The Greening of Manila

Ang isang magandang side-effect ng usaping Pandacan Oil Depot ay ang panibagong sigla ng kampanya para panatiliing malinis ang kalikasan. Nauna nang ipinatu-pad ni Mayor Alfredo S. Lim ang kanyang Executive Order na nagbabawal sa mga bago at itatayong negosyo na magiging sanhi ng polusyon. Sinundan ito nung Lunes ng bagong order ng general inspection ng lahat ng kasalukuyang establishment.

Sa lahat ng Lungsod sa Metro Manila, hindi mabibilang ang Maynila sa listahan ng malilinis na LGU. Unang una, narito ang Pasig River na mas kilala sa katagang “Poso Negro” ng Metro Manila; pangalawa, dito mo mahahanap ang mga lumang negosyo na itinatag bago pa man nauso ang environmental protection; pangatlo, hindi pa rin natatanggal sa Maynila ang mga kumpol ng squatter na walang pakundangang manalaula ng mga lansangan at estero. Hindi pa nakakahabol sa mga kapitbahay na Makati, Mandaluyong, Pasig, etc. kung saan umusbong ang mga business district na may mahigpit na patakaran laban sa basura at polusyon.

Ang hakbang ni Mayor Lim na higpitan ang regulasyon ng Anti-Pollution Laws sa Maynila ay magsisilbing mitsa upang maumpisahan nang makahabol ang ating mahal na Capital City sa mga kapit lungsod nitong puro bago at moderno. Maging ang mga factory at industriya, tulad ng Oil Depot, na pinayagang mag-operate ng bagong Ordinansa 8187 ay hindi exempt sa paghigpit na gagawin. Ang mga Executive Orders ni Mayor Lim ay magandang follow-up sa ordinansa. Hindi komo pinayagan nang manatili ang mga Oil company ay maari nang balewalain na lang ang batas. Sa pamamagitan ng order ay masi­siguro na iyon lamang may magandang pollution control plan ang papayagan.

Ang hakbang na ito ng Lungsod ng Maynila ay magandang paalala sa lahat ng industriya. Ang hindi pagsaalang-alang sa kalusugan ng kalikasan ay madamot at makasarili. Kung hindi ito ingatan, anong klaseng mundo ang iiwan natin sa ating mga anak?

Sa ika-438 na Araw ng Maynila, binabati ko ang Pamahalaang Lungsod ng Happy Foundation Day!


Show comments