Kawawang Vicki Belo!
Natabunan na ng isyu sa (A)H1N1 ang kontrobersya sa sex-video nina Katrina Halili at Hayden Kho. Pero pinag-uusapan pa rin. Siyempre, ang simpatiya ng tao ay kay Katrina. Pero marami ang nagtataka kung bakit pati si Dr. Vicki Bello na “ex” ni Hayden ay idinadawit sa demanda.
Dahil sa kabulastugang ginawa ng kanyang ex-boyfriend, pati si Belo ay nadidiin sa reklamo ni Katrina. Anang barbero kong si Mang Gustin, nawalan na nga ng boyfriend si Belo ay isinabit pa siya sa demanda! Kaya dapat ding kahabagan si Dra. Belo. Maski papaano’y apektado rin siya emotionally sa eskandalo, not to mention yung epekto sa kanyang negosyo.
Nagpetisyon si Katrina sa Professional Regulations Commission (PRC). Pinatatanggalan ng lisensiya si Belo. Hiniling din niya sa Department of Health (DOH) na ipasara ang mga klinika ng cosmetic surgeon.
Kesyo bakit daw pinayagan ni Belo na mag-lipo suction si Kho sa kanya noong 2007 gayung hindi kwalipikado. Wala raw residency si Kho, na ayon sa mga eksperto ay hindi naman kailangan ng mga cosmetologist. Mukhang mali ang diskarte ng abogado ni Katrina. At saka bakit ngayon lang inungkat ito gayung dalawang taon na ang nakalipas? Kung tutuusin, napakaganda ni Katrina matapos ang operasyon sa kanya kaya walang dahilan para siya umangal.
Ika nga ni Mang Gustin, biktima rin si Belo sa isyung ito. Natraydor siya ni Katrina’t ni Kho na kapwa niya pinagkatiwalaan. Malaking kahihiyan din ang inabot ni Belo dahil sa pangangaliwa ni Kho na marami na palang nalolokong chicks. Nagmagandang loob na si doktora na ipabura ang sex video pero ngayon, siya pa ang isinasabit.
Ang tanong ng marami, ano kaya ang kinalaman ng sex video para tanggalan ng lisensya si Belo doktora at ipasara ang mga klinika niya gayung si Hayden ang kontrbida sa isyung ito? Publicity?
Ayokong isipin na naghihintay si Katrina ng settlement offer porke wala siyang mapipiga kay Kho kaya si Belo ang pinagdidiskitihan.
Pero para kay Belo, mas gusto niyang ituloy na lang ang imbestigas- yon para lumutang ang buong katotohanan.
- Latest
- Trending