BAGO na ang namumuno sa Department of Justice (DOJ) at marami ang umaasa na magkakaroon ng pagbabago sa nabanggit na departamento. Sa mga nakalipas na buwan naging kontrobersiya ang DOJ sapagkat nasangkot ang kanilang top officials at prosecutors para pumabor sa mga suspected drug pushers. Lubhang nakasisira ng karangalan ang pagkakasangkot ng DOJ officials at prosecutors kaugnay sa illegal na droga.
Pinalitan ni Agnes Devanadera si Raul Gonzales bilang justice secretary. Unang pagkakataon na nagkaroong ng justice secretary. Pagkaupo ni Devanadera ay nagpakita agad siya nang matalim na ngipin at binantaan ang mga corrupt sa kanyang tanggapan. Priority raw niya ang pagsugpo sa corruption sa departamento na kinasasangkutan ng prosecutors. Nagbanta si Devanadera na wawasa-kin niya ang corruption sa DOJ.
Talamak ang corruption kahit saang departamento at kabilang dito ang DOJ. Noong nakaraang taon, maraming DOJ official at prosecutors ang sinibak sa puwesto dahil sa illegal drugs. Pinaka-kontrobersiyal ang “Alabang Boys” na nagkaroon umano ng bayaran para madismis ang kaso. Kung hindi nasibak ang DOJ officials at prosecutors, marahil nakalaya na ang mga tatlong kabataang nahulihan ng shabu at Ecstacy. Ang nakahuli sa tatlong kabataan ay mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Maganda ang mga plano at hakbang ni Devanadera sa corrupt prosecutors pero para sa amin, mas marami ang masisiyahan kung ang unang reresolbahin ni Devanadera ay ang mga naka-pending na kaso. Ayon na rin sa report ng DOJ, 11,000 kaso ang nakapending sa departamento. Atasan sana ni Devanadera ang kanyang mga tauhan para ganap na matapos ang mga kaso. Kung hindi nagawa ng mga dating DOJ secretary ang pagresolba sa mga inaagiw na kaso, dapat ito ang una niyang gawin. Ipakita niyang kayang solusyunan at desisyunan ang 11,000 nakapending na kaso.