Tila nang-iinis at nang-aasar ang estilo ng kilabot na robbery hold-up syndicate na Alvin Flores Group nitong Miyerkules ng madaling araw.
Kakaiba at hindi pangkaraniwan ang bagong tinira ng grupo dahil buong automated teller machine o ATM ang ninakaw ng grupo.
Sa loob lamang ng dalawang minuto, nabitbit ng mga suspek ang nasabing ATM. Ang siste, hindi na unipormeng pulis ang ginamit ng mga bastardo.
Ang kanilang bagong uniform, chalecong itim na may nakalimbag na BITAG sa likuran.
Ito’y batay sa salaysay ng mga saksi at guwardiyang nagbabantay mismo sa nasabing ATM ng isang bangko sa SLEX Muntinlupa.
Maging mga alagad ng batas, natatawa at napapakamot sa ulo dahil sa kami naman ang kinakasangkapan ng mga grupo ng holdaper.
Malinaw ang mensaheng pinahahatid sa amin ng grupo—mensaheng nais kaming patigilin.
Pinatitigil kami ng grupo sa pagbubunyag sa kanilang mga masasama at baluktot na gawain.
Kung tutuusin, BITAG lamang kasi ang seryosong tumututok at sumusubaybay sa mga kilos at galaw ng kilabot na robbery hold-up syndicate.
Bukod pa sa puspusang paglalantad sa publiko sa pamamagitan ng telebisyon ng kanilang gawain.
Kaya naman hindi ito palalampasin ng BITAG. Nais lamang linawin ng BITAG na hindi namin kasamahan o ni hindi nanggaling sa aming grupo ang suot ng mga suspek.
Ni hindi namimigay ng t-shirt o anumang kasuotan ang BITAG. At hindi rin kami gumagamit ng chaleco sa aming mga operasyon.
Paalala ng BITAG sa publiko, kung mayroon kayong nalalaman na mga indibidwal o grupo na gumagamit at nirereprisinta ang kanilang sarili at nagpapakilalang sila ay staff ng BITAG, huwag mag-atubiling tumawag at makipag-ugnayan sa aming tanggapan.
Abangan sa IBC 13 ang kabuuan ng video ng panloloob ng kilabot na grupong ito at mukhaan ang bawat miyembro ng sindikato upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon sa notoryus na grupong ito.
Eksklusibo, ngayong Sabado alas nuwebe ng gabi sa BITAG!