MAY masigasig na manliligaw si Linda, isang dalagang 28 anyos. Mabait naman yung lalaki, hindi naman pangit at marunong pang magtrabaho. Kaya lang, may isang pintas si Linda: Marumi ang kanyang mga kuko. Binasted ni Linda ‘yung lalaki dahil hindi siya malinis sa katawan.
Kung tutuusin, tama si Linda dahil napakahalaga ng kalinisan sa katawan. Alam n’yo ba na maraming sakit ang maiiwasan kung tayo ay maliligo maigi araw-araw? Kaya mga bata, mga nanay at tatay, maligo at umiwas sa mga sakit na ito.
1. Pigsa – Ang mga taong pinipigsa ay kulang sa kalinisan. Ang mga bacteria sa ating balat (staphylococcus) ang nagdudulot ng pigsa. Maligo at mag-alcohol para makaiwas sa pigsa.
2. Sipon at ubo – Ang sipon at ubo ay madaling makahawa, lalo na sa bata. Marumi kasi ang mga kamay at punumpuno ng bacteria at virus. Maghugas ng kamay.
3. Galis (o scabies) – Sabon at tubig ang magandang panlaban sa galis. Panatilihin ding malinis ang ating paligid at silid tulugan para hindi dapuan nito.
4. Alipunga – Ito ay isang fungal infection sa daliri ng mga paa. Kapag laging basa ang paa at hindi tayo araw-araw naliligo, puwedeng magka-alipunga. Pahanginan ang paa at mag-sinelas muna.
5. Sore eyes – Bacteria sa mata ang sanhi niyan. Sobra itong nakahahawa lalo na kung nakipagkamay ka sa isang taong may sore eyes. Maghugas ng kamay.
6. Bulate sa tiyan – Kapag naglaro ang mga bata sa lupa at hindi naligo maigi, puwedeng magka bulate. Nagta-tago kasi sa ilalim ng kuko ang mga itlog ng bulate. At kapag sinubo ang kamay sa bibig, papasok na ang bulate sa tiyan.
Bukod dito, mababawasan din ang mga sugat sa katawan kapag maliligo tayo. Maligo mula ulo hanggang paa. Hugasang maigi ang buhok. Gumamit ng shampoo sa buhok at sabon para sa katawan. Hindi puwede ito ipagpalit dahil ang shampoo ay angkop sa buhok at ang sabon ay angkop sa balat.
Gumamit ng tuwalya at kuskusin ang buong katawan. Huwag kaligtaan ang mga daliri sa kamay at paa. Huwag magmadali.
Gumamit ng sapat na tubig. Maligo ng 15 hanggang 20 minutos para malinis. Sa mga bata at matatanda, maligo araw-araw para makaiwas sa sakit.