EDITORYAL - Paigtingin ng PNP ang pagbabantay sa mga estudyante
NAKAAALARMA ang pagkalat ng AH1N1 flu virus na karaniwang ang mga estudyante ang tinatamaan. Kaya naman maraming paraan na ginagawa ang mga school administrators para agad na malaman kung may palatandaan ng AH1N1 ang mga estudyante. Sa pagsisimula ng klase ng mga nasa kolehiyo kahapon, sa gate pa lamang ay kinukuha na ang temperatura ng mga estudyanteng papasok. Sinisiguro nila na walang estudyanteng may taglay na AH1N1 flu virus.
Bukod sa AH1N1, isa rin namang nakaaalarma ay ang paglipana ng mga masasamang loob at nambibiktima sa mga estudyante. Kahapon may mga insidente na ng panghoholdap sa university belt. Sa kabila na sinabi ng Philippine National Police na nakaalerto sila sa mga masasamang-loob, mayroon pa ring nakakalusot at nakapambibiktima.
Sa mga nakaraang taon, maraming estudyante ang napatay sa bisinidad ng unibersidad. Hinoholdap ang estudyante habang naglalakad at kapag pumalag ay sinasaksak. Karaniwang ang mga estudyante na panggabi ang klase ang inaabangan ng mga holdaper.
Nangako si PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa na pangangalagaan ang seguridad ng mga estudyante. Sana ay hindi lamang sa pagbubukas ng klase laging nakaabang o nakabantay ang mga pulis kundi sa buong panahon ng kanilang pag-aaral. Ang police visibility ay mahalaga sa bisinidad ng mga eskuwelahan para mapigilan ang mga holdaper, snatcher, kidnapper at iba pang may masasamang tangka sa mga estudyante.
- Latest
- Trending