“Hindi ako makatulog gabi-gabi mula nang makita ko ang anak ko sa TV. Nung huling beses ko siyang pinuntahan ay nakakulong na siya. Natatakot ako dahil baka bigla siyang ipatira ng mga kalaban niyang pulis sa loob ng kulungan,” maramdaming pahayag ng isang ina.
Iyan ang mga pahayag ni Avelina Celestial ang ina ng ‘self-confessed gun man’ na si Richard Celestial sa pagpatay sa ‘star witness’ na si Melencio ‘Omeng’ Aguelo sa nangyaring krimen.
Isa sa kaso na tinutukan namin dito sa CALVENTO FILES mula sa umpisa ay ang pagpatay (salvaging?) sa tatlong ‘sampaguita vendor’ nung Agosto 9, 2007 sa Katipunan, Quezon City.
Nakita ang mga duguang bangkay nila Leonito Bejen, Raffy Alondres at Joel Adique sa gilid ng tulay sa kahabaan ng Katipunan Road, Quezon City.
Ayon sa mga nakasaksi, inimbitahan ang tatlong lalake ng mga pulis at dinala sa presinto para sila ay tanungin sa mga nakita nilang krimen na nangyari sa kanilang lugar.
Mula ng sila ay dalhin sa Station 8 sa Quezon City ay hindi na nakitang buhay ang tatlong magkakapatid. Madaling-araw ng Agosto 9 nakita ang kanilang mga katawan na tadtad ng saksak.
Agosto 13, 2007 naging panauhin namin sa radio program na Hustisya Para sa Lahat ang kaanak ng tatlong biktima upang humingi ng tulong sa nangyari sa kanila.
Sila ay nanawagan kung sinuman ang nakasaksi sa ginawang pag salvage sa tatlong bata ay makipag ugnayan sila sa kanilang pamilya.
Tumugon si Melencio ‘Omeng’ Aguelo ang kababata at kasamahan sa trabaho ng tatlong biktima sa panawagan.
Nagkaroon ng imbestigasyon sa kaso. Isinalaysay ni Omeng ang kanyang nakita nung gabing pinatay ang tatlo. Tinuturo niya ang mga pulis sa Station 8 ng Quezon City na may kinalaman umano sa pagpatay sa magkakapatid.
Matapos niyang ilahad ang lahat ng kanyang nalalaman ay isinampa agad ang kasong Multiple Murder (3 counts) sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kina SUPT. JOSE GARCIA, PO1 JURGENE PEDROSO, SPO1 GIL BULAN, PO3 DOMINIC CHAN, SPO3 BONIFACIO RIOFLORIDO, PO2 SHERWIN TOLENTINO AT PO2 ELMOR ALAY-AY.
Matapos ang ilang pagdinig sa kaso at sa nalalapit na paglabas ng resolusyon ay nangyari ang pagpatay kay Omeng.
Setyembre 13, 2008 habang nagtitinda ng sampaguita si Omeng sa Masinag Junction, Brgy. Mayamot Antipolo City siya ay biglang binaril sa may dibdib ng isang ‘hired- gunman’.
Setyembre 15, 2008 nagpunta sa aming tanggapan ang asawa ni Omeng na si Roselyn Bongo upang ipaalam ang nangyaring insidente sa kanyang asawa.
“Isang lalaking armado ng baril ang biglang sumulpot sa harapan ni Omeng at bigla niya itong pinaputukan sa dibdib at tumapos sa buhay ng aking asawa. Marami ang naka saksi sa pagpatay sa kanya. Sa tulong ng taong bayan ay nahuli yung pumatay sa kanya,” mariing na pahayag ni Roselyn.
Kinilala ang lalaking tumapos sa buhay ni Omeng na si Richard Celestial, 29 taong gulang ng Concepcion I, Marikina City.
Naging malapit umano si Celestial kay PO2 Sherwin Tolentino na matagal na panahon. Kilala rin niya ang asawa nito.
Inalok rin ni PO2 Sherwin ng trabaho sa ‘call center’ ang kapatid ni Richard na si Maria Riza Celestial ngunit hindi ito pumayag dahil sa mga panahong iyon ay paalis ito ng bansa.
“Parating magkasama ang anak ko at si Sherwin. Lagi silang nakikita na nag-iinuman at parang may kung anong pinagpaplanuhan. Sa tuwing tinatanong ko ang anak ko parati niya lang sinasabi na may trabahong pinapagawa sa kanya,” sabi ni Avelina.
Yung araw din iyon sa tulong ng mga pulis ng Sumulong Highway at Mayamot Police Station na nagroronda sa mga panahong iyon ay nahuli itong si Celestial.
Dinala sa presinto si Celestial upang maimbestigahan kung ano ang kanyang motibo sa pagpatay kay Omeng.
Sa mga panahong iyon ay nalaman ni Celestial na ang taong kanyang pinatay ang kaisa-isang testigo sa kasong isinampa sa walong pulis.
Napagdugtung-dugtong ni Celestial ang istorya kung bakit siya inutusan na tirahin si Omeng. Naisip niya na may kinalaman ang mga pulis na nag-utos sa kanya para mawala ang kanilang problema sa kasong kanilang kinakaharap.
Kumanta si Celestial sa lahat ng kanyang nalalaman at kung paano nila plinanong pagpatay kay Omeng.
Ginawan siya ng sinumpaan salaysay sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tulong nila Special Investigator III Dennis M. Villanueva at Roel M. Jovenir.
Isang mabigat na testigo si Celestial sa pag-amin niya na ang walong pulis ang nasa likod ng malaking krimen. Sapat na din ang pag-amin niya na siya nga ang naging ‘asset’ ng mga pulis na ito sa pagpatay sa star witness.
Nakasampa ang kasong Murder kay Celestial sa Regional Trial Court, Branch 71 ng Antipolo City.
Nagkaroon ng ‘arraignment’ ang kaso ngunit hindi isinama dito ang mga pulis na pinangalanan ni Celestial na umupa sa kanyang pagpatay kay Omeng.
Nagpunta naman sa aming tanggapan ang nanay ni Celestial na si Avelina Celestial upang ipagbigay alam na inilipat sa Antipolo Police ang piitan ng kanyang anak.
Nais niyang humingi ng tulong na kung maaaring ilipat muli sa kamay ng NBI ang kanyang anak upang mapanatag ang kanyang loob.
“Gusto ko sanang maibalik sa NBI ang aking anak dahil natatakot ako na baka ipatira nila sa Antipolo Police ang anak ko kung saka-sakaling may ugnayan ang mga pulis sa nag-utos sa kanya at sa Antipolo,” pahayag ni Avilina.
Sa tulong ng aming radio program Hustisya Para sa Lahat nangako si Sec. Raul Gonzalez na siya ay makikipag-ugnayan kay Director Nestor Mantaring ng NBI upang alamin kung bakit nailipat sa Antipolo Jail si Celestial at kung merong ‘court order’ na nanggaling sa hukom. Kung wala naman ay muli siyang ibabalik sa pangangalaga ng NBI.
“Nagmamakaawa ako. Papatayin nila ang anak ko sa bilangguan sa Antipolo. Ibalik ninyo sya sa NBI,” panawagan ni Avelina. (KINALAP NI DEN VIAÑA)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
NAIS kong pasalamatan at batiin ang napakabait na mag-asawa ng sina Mr. and Mrs. Tagumpay Ty ng Sutadel Realty Corporation. Maraming salamat sa inyong assistance.
Email address: tocal13@yahoo.com