Kung hindi napaghandaan ng mabuti ang pagbukas ng klase sa lahat ng antas, pihadong hirap ang mga eskuwelahan sa kinakailangang pag-iingat laban sa A(H1N1). Mabuti at marami ang nakapagpatupad ng mga mekanismo upang mabantayan ang pagkalat ng nakahahawang sakit sa populasyon ng mga estudyante.
Sa mga pribadong pamantasan, lalo na sa mga may “casualty” na, agad nang nakabili ng mga gadget tulad ng hand held thermal scanner upang ma-check ang lagnat. Required din ang pagsagot ng health declaration forms kung saan ipinagtatapat ng mga mag-aaral kung merong nararamdaman sa mga sintomas ng flu. Nung Lunes ay akala mo’y box-office ang mga university gates sa Maynila sa haba ng mga pila papasok.
Sa aming pampublikong pamantasan, ang PLM, may ilan pang karagdagang hakbang na pinatupad: (1) kada oras ay nililinis o na-disinfect ang mga banyo; (2) nagpalagay na ng matibay na mga soap dispenser sa lahat ng lababo; (3) meron nang mga tisyu na may alcohol sa mga “cradle” ng lahat ng telepono; (4) ni-require sa Canteen concessionaire na hindi lang mga kubyertos ang nakabanlaw sa kumukulong tubig. Maging ang mga plato at baso ay binababad din muna matapos sabunin; (5) buong araw ay pinatutugtog sa closed circuit TV monitors sa lahat ng floor ng bawat gusali ang video ng tamang paghuhugas ng kamay; (6) may room to room campaign ang mga PLM College of Nursing students upang ma-orient ang mga bata mula freshman hanggang senior; (7) magbibigay ng academic discussion ang mga doctor ng PLM College of Medicine sa auditorium na naka-live TV feed din sa buong pamantasan; (8) kada linggo ay may health advisory ang university health service na nakalagay sa leaflets na ipamamahagi sa mga classroom.
Hindi talaga mapipigilang may magkakasakit ng A(H1N1) flu. Ang kayang pigilin ay ang pagiging tulay upang mahawa at makahawa ang sakit. Marami ring biktima ng “ignorance” – isa pa rin itong sitwasyon na kayang pagaanin ng wastong pag-edukasyon sa publiko. Ang mga paaralan ay “high-traffic” area at madaling maging “breeding ground” ng hawaan ng sakit – bakit nga namang hindi rin gawing breeding ground ng mga hakbang tungo sa pagpagaan ng epekto ng A(H1N1)?