'Hamon ko kay Lacson...'
ISINULAT KO SA PHILIPPINE STAR ang artikulong, “May deal ba ang gobierno at si Lacson sa Dacer case?”
Isang “insider” mula sa palasyo mismo ang nagsabi ng impormasyon na ito sa akin..
Nasa kasagsagan ang sunod-sunod na development sa siyam na taong kaso ng pagpatay kay PR MAN “Salvador ‘Bubby” Dacer at sa kanyang drayber na si Emmanuel Corbito.
Si Cezar O. Mancao dating Senior Superintendent at miyembro na nabuwag na Presidential Anti Organized Crime Task Force (PAOCTF) sa pamumuno ni Sen. Panfilo Lacson na nung mga panahong iyon ay Hepe ng Philippine National Police.
Disyembre pa lamang nagpapalitan ng email sina Maricar Mancao at Sec. Gonzalez at mismong si Cezar ay nakausap ng kalihim at sinabi na handa siyang umuwi para sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman.
Naantala ang pag-uwi ni Mancao ng hiniling ni dating Senior Superintendent Michael Ray Aquino na humarap sa kanyang sariling “extradition case” sa pamamagitan ng paghain ng isang “Petition for a Writ of Habeas Corpus.”
Dumisesyon ang huwes hindi na kailangan humarap si Mancao at gumawa na lamang ng isang “deposition.” Sinabi ni Mancao na wala siyang maitutulong sa kaso ni Aquino.
Pinayagan ng bumalik si Mancao sa Pilipinas.
Naiulat ko rin ang tungkol sa pagbaliktad ni Chief Inspector Glenn Dumlao at ang pag-uusap nila ng kalihim na nagpahayag ng kanyang kagustuhan na tumestigo sa patotohanan niya ang una niyang “affidavit.”
Ayon sa parehong “palace insider” ilang araw bago dumating si Mancao nakatanggap ng tawag mula kay Executive Secretary Eduardo Ermita na “huwag na munang magsalita” si Sec. Raul tungkol sa Dacer case at pagdating ni Mancao. Isang bagay na ikinagulat ng kalihim gayung mga Enero pa lamang alam na ng taong bayan ang tungkol sa pagbalik ni Mancao at sa Dacer case. Bakit ngayon siya pinatatahimik. Hindi ito itinanggi ni Ermita sa panayam sa STAR.
Nung araw na dumating si Mancao nakatanggap si Gonzalez ng bagong appointment at tinatanggal siya bilang Secretary of Justice at inililipat siya sa Malacañang bilang Chief Presidential Legal Counsel.
Ilang araw naman ang nakalipas at biglaan sinabi ni Sen. Lacson sa ABS-CBN/ANC debates ng mga gustong tumakbo na nagdesisyon siya na hindi na siya tatakbo bilang Pangaulo ng Pilipinas.
“Nakabibigla ang desisyon ni Lacson dahil marami na rin siyang mga TV advertisement na nagsilabasan. Bakit hindi ba niya alam ang gastusin kapag tumakbo ka sa pagka presidente? Bakit nung bumalik si Mancao siya nag-anunsyo na hindi na siya tatakbo.” ayon sa aking source.
Nagalit si Lacson at sa isang news article tahasang sinabi niya na ang pagbabalita ko ay isang kasinungalingan at ako ay isang “bayarang mamahayag.”
Para sa akin ito na yata ang pinakamababaw na sagot mula sa isang senador ng ating bayan. Napakadaling sabihin na ang isang mamahayag na ito’y nabayaran at HINAHAMON ko itong si Lacson patunayan niya yan!
Sino ang nagbabayad sa akin? Ang pamilya Dacer? Ang gobiernong ito na may nagsabi sa akin na may “arrangement” na kayo? Si Sec. Gonzalez? Sino Ping?
Ang alam ko ang STAR Group of Companies ay nagbabayad sa akin buwan-buwan para sa mga isinusulat ko sa aking regular na kolum na pawang tungkol sa krimen.
Paninirang puri ang ginawa nitong senador na ito dahil ang aking pagsusulat ng “CALVENTO FILES” ay nagsimula pa na magdadalawang dekada na at nagsimula sa HOTLINE na titulo.
Mabuting tumatanggap ng sweldo nalinis mula sa aking pawis kaysa maakusahan na isang MURDERER tulad mo Lacson! Inakusahan ka ng pamilya Dacer, ni Mancao at ngayon malapit ng si Dumlao rin.
Kapag hindi mo napatunayan na binabayaran ako ang payo ng aking abogado ay ihabla ka sa iresponsable mong mga sinabi.
PARA sa inyong comments o reactions maari kayong tumawag sa 6387285 o magtext sa 09213263166 o 09196972854. Maari din kayong lumiham sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending