NABABAHALA ang business community ng bansa dahil sa sunod-sunod na pag-atake ng notoryus na robbery syndicate sa mga banko at business establishment sa loob at labas ng Metro Manila.
Ayon kay Wilson Lee Flores, Presidente ng Anvil Business Club, nakakaalarma para sa mga negosyante ang kasulukuyang sitwasyon ng peace and order sa ating bansa.
Kung tutuusin raw, ang Pilipinas na nga ang may pinakakonting investors at mga nagnenegosyong dayuhan man o lokal dahil sa takot na mabiktima ng masasamang loob katulad ng sindikato ng panghoholdap at panloloob.
Ayon daw sa mga malalaking negosyante sa ating bansa, kayang-kayang gamutin o malagpasan ang problema ng pagkalugi at korupsiyon sa negosyo.
Subalit ang kaligtasan at katahimikan ng kapaligiran para sa kanilang negosyo, kinatatakutan at labis na pinangangambahan ng sinumang negosyante.
Mahirap daw kalabanin at solusyunan ang malagay sa pahamak ang buong negosyo lalo na ang buhay mismo nilang mga negosyante at kanilang pamilya.
Kumbaga, mainit sila sa mga mata ng masasamang loob na naglipana sa ating kapaligiran. Hindi nila alam kung kailan sila mag-iingat at paano umiwas.
Dahil dito, isa sa mga pangunahing dahilan ng tuluyang pagbagsak ng ating ekonomiya ay ang pagkonti at pagkawala pa ng mga investors na nagnenegosyo sa ating bansa.
Kaya naman, panawagan ng Anvil Business Club sa Philippine National Police, pagtuunan ng prayoridad at pansin ang problemang ito.
Maaaring hindi raw ito napapansin ng ating kapulisan dahil sa usaping pulitika at scandal subalit eto na raw ang panahon upang maalarma ang PNP.
Damihan ang pondo ng anti-crime efforts at intelligence fund dahil hindi lamang basta-basta o ordinaryong kriminal ang nasa likod ng sunod-sunod na robbery.
Bigyan rin daw ng impormasyon ng kapulisan ang media at business sector upang makapaghanda sa mga ganitong pangyayari.
Para kay PNP Chief Jesus Versoza, hanggang ngayon tikom pa rin ang bibig niyo. Kalian kaya kayo kikilos?