Arroyo sa Kongreso
Mga kasangga ni President Arroyo ang mismong nagsasabi na siya’y tatakbo bilang kongresista ng Pampanga sa darating na eleksyon. Ilan na ang Arroyo sa Kongreso kung ganun? Nauna nang nagsabi si dating Justice Secretary Raul Gonzales, at ngayon ay sinegunduhan naman ni Sec. Nasser Pangandaman ng DAR. Kaya dapat daw ay huwag nang isipin na hindi matutuloy ang eleksyon sa 2010, dahil mismo ang presidente ay naghahanda na rin para rito.
Sa tingin ko ay lalong dapat mangamba! Lalo na’t binabawi na ngayon ni Gonzales at Pangandaman ang kanilang mga pahayag ukol sa plano ni Arroyo. Hindi ako magtataka kung nasisante silang dalawa dahil sa kanilang mga walang prenong pahayag! Kelan lang ay pinatahimik din si Gonzales ukol sa mga komentaryo niya ukol sa Dacer-Corbito murder na kaso, na malapit na ring mabuksan ang imbestigasyon at paglilitis.
Lumilinaw na ang tunay na plano ng administrasyong Arroyo. Kung tatakbo bilang kongresista ng Pampanga, nasa posisyon na siya para mahalal bilang Prime Minister ng bansa. Ito naman ay kung mapapalitan nga ang Saligang Batas, at magbago na ang uri ng gobyerno natin. Kaya naman paspasan nang kumilos ang mga galamay ni Arroyo sa Mababang Kapulungan, at isinulong na ang con-ass. Kung matuloy ito, tiyak na mapapalitan ang Saligang Batas sa isang bagong anyo na sukat sa mga plano nilang lahat! Nililihis na lang ang ating mga atensyon sa pamamagitan ng paghayag ng ibang mga tauhan ni Arroyo na tatakbo nga sa 2010, tulad ni Sec. Ronnie Puno na tatakbo umano bilang vice president.
Sa mga pahayag ni Gonzales at Pangandaman, mas may dahilan mangamba sa mga maiitim na plano ng administrasyong Arroyo. Lasap na lasap nila ang patuloy na paghawak sa kapangyarihan at matagalang paghahari sa bansang ito. Pero sabi nga, nasa tao talaga ang tunay na kapangyarihan. Wala ring magagawa ang kapangyarihan kung magsasama-sama lang ang mamamayan para tutulan ito. Napatunayan na iyan noong 1986. Sa panahon at mga pangyayari ngayon, mas lalo nang kailangan maipakita ang kapangyarihang ito, sa pamamagitan ng pagtutol sa con-ass, at sa pagboto ng mga tapat at marangal na kandidato sa darating na eleksyon.
- Latest
- Trending