Tutukan ang dengue hindi ang AH1N1
SA tingin ko, umani ng pogi points ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa pagpaliban nila ng pagbubukas ng klase sa college level dahil sa AH1N1 virus. Maaaring sabihin ng CHED na ang pagpaliban ng opening ng klase ay dahil sa sobrang dami ng foreign exchange students o mga nagbakasyon sa abroad ay bumalik na sa bansa.
Sa talaan ng Department of Health (DOH), aabot na sa 92 kaso ang AH1N1 sa bansa at tiyak tataas pa ito dahil sa wala pang gamot para rito. Subalit sa tingin ko naman nag overreact lang ang CHED sa hakbanging ito. Marami kasi akong nakausap na nagsasabing inilagay ng CHED sa alanganin ang edukasyon ng mga kabataan tungkol sa isang bagay na wala namang nakaa-alam ng kalutasan.
Imbes na AH1N1 virus, bakit hindi ang dengue ang bigyan pansin ng CHED? Hindi pala dapat palakpakan ang CHED sa pagpaliban nito ng klase sa college level dahil sa AH1N1 virus. Ano sa tingin n’yo mga suki?
Kaya’t tama lang ang puna ni DOH Sec. Francisco Duque at DepEd Secretary Jesli Lapus na hindi dapat ang AH1N1 ang bigyan pansin ngayong pagbubukas ng klase kundi ang dengue. Itong dengue na dala ng lamok ay mas deadly pa sa AH1N1 virus. Mas malaki ang death rate ng dengue sa bansa kaysa sa AH1N1 virus maging sa iba pang bahagi ng mundo.
Sa talaan ng DOH, 57 na ang namatay mula Enero hanggang Abril ngayong taon dahil sa dengue. Umaabot sa 300 katao ang namamatay sa dengue kada taon. Tama sila, dapat mas tutukan ang dengue kaysa sa AH1N1 dahil andiyan naman ang mga proteksyon na inilaan ng pamahalaan. Kaya ang pagpapaliban ng CHED sa klase sa college level at iba pang cases ay maliwanag na pampapogi lang. At nakamtan naman ng CHED ang layunin.
Kung sabagay, sina Duque at Lapus ay nanindigan na dapat ang klase ay magbukas sa tamang araw. May panawagan kasi noong kasagsagan ng AH1N1 virus na iurong din ang pagbubukas ng klase noong June 1 sa daycare, elementary at high school students subalit hindi ito pinatulan nina Duque at Lapus. ‘
Masasabi kong tama si Lapus dahil kung me nagbakasyon sa mga kabataan sa abroad aba dapat mag-self quarantine sila bago pumasok sa eskuwelahan. Hindi naman kasi dapat isugal ang kinabukasan ng 22 milyong estudyante. At higit sa lahat, handang-handa na ang DepEd sa kaso ng flu virus dahil sa tulong ng DOH bumuo sila ng response level system na parang signal sa typhoon para abatan ang naturang sakit. At itong response level system ang magiging giya ng DepEd kung sususpendehin ang klase o hindi.
Ang CHED kaya ay may ganito ring sistema? Tiyak wala dahil padalos-dalos nilang ipinaurong ang opening ng klase sa mga unibersidad.
Abangan!
- Latest
- Trending