Paano nasulat ang 'Let It Be'
Inspirasyon ni Paul McCartney ang isang magandang panaginip nang sulatin ang awiting “Let It Be”. Ikinuwento niya ito sa librong The Right Words at the Right Time:
“Nagki-krisis ako nu’ng autumn 1968. Kasikatan naming Beatles, at sinisimulan ang bagong recordings, kasunod ng White Album. Problemado kami bilang banda; ramdam kong nagkakawatak-watak kami. Kaya parati akong nagpupuyat, naglalasing, nagdo-droga, nagna-nightclub tulad ng maraming tao noon. Sadsad talaga ako. Sila (John Lennon, Ringo Starr, George Harrison) ay nakatira sa suburbs kasama ang mga kapares. Ako binata sa London, may sariling bahay pero nag-iisa. Iniisip-isip kong dapat makatagpo na ako ng makakasama; wala pa si Linda noon sa aking buhay.
“Hapong-hapo ako. Ilang gabi, paghiga ko sa kama, tila babagsak na lang ang ulo ko sa unan, tapos maaalimpungatan ako na nakatalukbong na ito sa mukha ko, kaya maiisip ko, ‘Buti na lang nagising ako bago ako masakal sa unan.’
“Isang gabi sa pagitan ng tulog at gising, nanaginip ako ng napaka-pampahimbing tungkol sa nanay ko, na namatay nu’ng edad-14 lang ako. Nurse siya, napakasipag dahil nais ang pinaka-mabuti para sa amin. Hindi kami mayaman, walang kotse, meron lang TV, kaya pareho nagtatrabaho ang magulang ko. Kalahati ng gastusin, ambag ni nanay. Sa gabi pag-uwi niya nagluluto pa siya, kaya kulang kami sa oras sa isa’t-isa. Pero tagapag-panatag siya sa buhay ko. At nu’ng mamatay siya (sa emphysema), hirap akong labis gunitain ang hitsura niya. Pero sa panaginip na ito makalipas ang 12 taon, naroon si nanay, napakalinaw ng mukha, lalo ang mga mata. At marahan niya akong sinabihan, ‘Let it be, hayaan mo lang, huwag ka masyadong mag-problema.’
“Nagising akong masig-la sa pagbisita niya sa gitna ng krisis ko sa buhay. Kaya agad at madali kong naisulat ang mensahe niya at nilapatan ng musika sa piano: ‘When I find myself in times of trouble, mother Mary (Mohin) comes to me, speaking words of wisdom, let it be, hayaan mo lang’.”
- Latest
- Trending