MADALAS sinasabi ng administrasyon na hindi nagkakaisa ang oposisyon, kaya maraming kandidato para sa presidente ng bansa. Pero sa mga naganap na pangyayari ng mga nakaraang linggo, tila hindi rin nagkakaisa ang administrasyon. At ang galit na galit sa mga nagaganap sa kanyang partido ay si MMDA Chairman Bayani Fernando. Sinisita niya ang umano’y pinapaborang mga posibleng tumakbo bilang presidente sa 2010, na hindi naman mga miyembro ng kanilang partido, katulad ni Vice President Noli de Castro at Defense Secretary Gilbert Teodoro. Sa isip at paniniwala ni Fernando, siya dapat ang piliin ng partido para tumakbo bilang presidente. Matindi ang kanyang paniniwala rito.
Nanggagalaiti si Chairman Fernando dahil hindi siya sanay na hindi pinapansin. Nakita sa mga nagdaang taon kung gaano kahalaga sa hepe ng MMDA ang mapansin sa kanyang mga ginagawa. Mula sa mga U-turn na hindi lahat nakakatulong, iyong dalawang elevated U-turn sa may C-5/Kalayaan na maraming tumutol, mga larawan niya na kinalat sa lansangan kung saan binatikos din siya, MMDA art na pantakip umano ng mga sulat sa pader na sana ay binura na rin lang, at ang kanyang piling paglinis ng mga squatter sa siyudad. At si Fernando ang pinaka-malakas lumabag sa batas ukol sa mga serena at pailaw, kasama na ang mga escort niya na malakas manghawi ng mga ordinaryong mamamayan. Ngayon, siya na yata ang hinahawi ng kanyang partido.
Dapat matuto si Fernando sa ginawa ni Sen. Panfilo Lacson. Umatras na si Lacson sa kanyang planong tumakbo bilang presidente, dahil naging makatotohanan at praktikal. Sinita niya ang kanyang mababang posisyon sa mga survey na lumalabas, kaya baka mahirapan lang siyang makakuha ng mga susuporta sa kanya, lalo na sa pinansiyal na aspeto. Kaya ang tanong, nasaan ba si Fernando sa mga survey na iyan?
Kung hindi ako nagkakamali, mas mababa pa siya, nang malayo, kay Lacson. Kung magpapatuloy pa siya sa kanyang ambisyon na tumakbo sa ilalim ng kanyang partido, eh baka magulat na lang siya sa magiging desisyon ng partido. Panahon ng krisis ngayon, kaya dapat maging praktikal. Ganun din sa pulitika. Huwag nang ipilit ang hindi mapipilit. Sa totoo lang, ni minsan ay hindi ko narinig mula sa kanyang partido na siya nga ang babasbasang tumakbo bilang presidente. Siya lang ang mata-gal nang nagpapahayag ng kanyang ambisyon.