Laganap ang putahan, sugalan at droga sa Maynila
NALULUSAW na ba ang kamay na bakal ni Mayor Alfredo Lim dahil sa paglaganap ng prostitusyon at pasugalan sa Maynila? Ito ang malaking katanungan kumakalat ngayon hindi lamang sa Manila Police District Headquarters kundi sa lahat ng sulok ng Maynila.
Ayon sa aking mga nakausap, tiningala ng sambayanan si Lim dahil sa kanyang kampanya laban sa prostitution, pasugalan at illegal na droga.. Napilitan umanong magsilayas ang mga tusong club owner sa Ermita at Malate, nagsarahan ang mga pasugalan at nagsilayas ang mga pinaghihinalaang drug pusher at user sa wa-lang puknat na pagsalakay ni Lim kasama ang MPD.
Di naman kaila na noong dekada ‘90 ay nagkalat ang mga bangkay ng mga pusakal sa lansangan matapos kumilos ang vigilantes. Napilitan ding magsilayas at lumipat sa mga kalapit na lungsod ang night spots na pag-aari ng mga banyaga. Personal pa ngang pinangangasiwaan ni Lim ang pag-padlock at pagpintura ng kulay pula sa mga pintuan ng hinihinalaang putahan at drug dens. Bagamat maraming babae ang nawalan ng hanapbuhay at nangalugi ang mga negosyante, naging daan naman ito para tingalain ang Maynila.
Subalit tila nagkamali ang Manileno’s nang muling mailuklok si Lim sa puwesto dahil lumala ang sitwasyon. Lantaran ang prostitution ngayon. Kaya ang pangamba ng sambayanan ay paglaganap ng AIDS. Laganap din ang sugalan at mga laboratory ng droga. Sa ngayon nalilito ang Manileños kung muli nilang susuportahan si Lim.
At habang nalilito ang Manileños, lalo pa silang nadismaya matapos kumalat ang balitang may PO3 Jerry Villaluz ng Manila City Hall ang nagpapakilalang bagman. Si Villaluz umano ang kumukolekta ng lingguhang P500,000 sa mga puta- han, sugalan at vendor. Bukambibig umano ni Villaluz ang pangalan ng aking kaibigan na si Sr. Supt. Alex Gutierrez at Mar Reyes sa pag-orbit sa mga illegalista. Kaya habang napupuno ang bulsa ni Villaluz, nagagalit naman ang Manileños sa liderato ni Lim at sa Manila’s Finest.
Mayor Lim pakihambalos mo ang nagpapakilalang Villaluz dahil ang malinis mong pangalan ay ginagasgas sa illegal. Kapag nagpatuloy si Villaluz sa kanyang operasyon tiyak na malilimutan ka ng iyong supporters sa darating na eleksiyon. Abangan!
- Latest
- Trending