Bago lubusang magpanic sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng H1N1 influenza, mas dapat namang mag-ingat ang mamamayan sa nakamamatay na dengue. Mas delikado ang dengue sapagkat kahit saang lugar ay naroon ang halimaw na lamok na tinatawag na Aedes Egypti. Isang kagat lang ng lamok na ito na kadalasang sumasalakay sa araw ay maaaring magdulot ng kamatayan kapag hindi naaagapan.
Marahil, kaya hindi gaanong nakatutok ang Department of Health (DOH) sa dengue ay dahil sa pagdami ng bilang ng kaso ng H1N1 na ngayon ay nasa 46 na. Pinakahuling kaso ng H1N1 ang isang estudyante ng FEU-East Asia College sa Quezon City. Nanggaling umano sa Japan ang estudyante. Bago ang pagkatuklas sa FEU student, apat na estudyante sa La Salle-Taft ang dinapuan na ng H1N1. Ang pag kalat ng influenza virus sa mga unibersidad at kolehiyo ang naging dahilan para kanselahin ang klase sa kolehiyo. Ginawang June 15. Tuloy naman ang pasok sa public school sa kabila na patuloy ang pagtaas ng bilang ng H1N1 influenza.
Maganda naman ang ginagawang pagmonitor ng DOH sa mga kaso ng H1N1 at nagbibigay ng babala sa taumbayan. Marami ring paalala kung paano maiiwasan ang pagkalat ng influenza virus. Huwag daw munang magbiyahe sa mga bansang may H1N1, lagi raw maghugas ng kamay, magsuot ng face mask, laging panatilihin ang kalinisan sa katawan at marami pang iba. Pero tila nga walang naririnig sa DOH kung paano naman maiiwasan ang paglaganap ng dengue.
Ayon na rin sa report ng DOH, mula January 1 hanggang Mayo 9 ng taong ito, 6,537 na ang nagka roon ng dengue. Ayon pa sa report, lima na ang namamatay ngayong taon na ito dahil sa dengue. Ganoon man, sabi pa ng DOH mas mababa raw ang bilang ng mga nagka-dengue ngayong taon na ito kumpara noong nakaraang taon.
Mas marami ang dinapuan ng dengue kaysa mga nagka-H1N1 virus. Mas mainam kung paiigtingin din ng DOH ang kampanya sa dengue at hindi lamang sa H1N1. Ipaalala sa mamamayan ang paglilinis ng kapaligiran para walang lamok na manirahan. Wasakin ang pinangingitlugan ng mga lamok. Magbigay ng mga polyeto ng impormasyon kung ano ang mga sintomas ng dengue para naman maagapan agad ito. Mas delikado ang dengue kaysa H1N1.