EDITORYAL - Maraming pumapasok sa school na hindi kumakain
Kaawaawa ang mga batang pumapasok sa school sapagkat karamihan sa kanila ay hindi kumakain. Pinakamalaki ang bilang ng mga batang mag-aaral sa Mindanao na pumapasok sa school na walang laman ang sikmura. Lalo pang lumaki ang bilang ng mga batang hindi kumakain noong nakaraang taon sapagkat nagkaroon ng krisis sa bigas. Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) tinatayang nasa 1.4 million ang pamilyang nakaranas ng gutom sa nasabing lugar.
Nakababahala ang report ng United Nation World Food Program (UNWFP) na isa ang Pilipinas sa mga bansang maraming batang nagugutom. Karamihan sa mga bata ay nagtutungo sa paaralan kahit walang laman ang tiyan. Sabi ni Stephen Anderson ng UNWFP, mataas ang bilang ng mga batang nagugutom at matatagpuan sila sa Mindanao. Ayon kay Anderson, lalo pang nadadagdagan ang nararanasang pagkagutom ng mga bata kapag naipit sa labanan ng military at bandidong Abu Sayyaf at MILF lost command. Nagsasagawa raw sina Anderson ng feeding program sa Mindanao kung saan 200,000 mga bata ang kanilang napakain. Bukod sa feeding program, nagbibigay din sila ng food ration sa mga mahihirap na pamilya.
Dapat, ang gobyerno ang magpasimula ng feeding program sa mga lugar na maraming naghihirap at nawawalan na ng pag-asang makaalis sa kahirapan. Hindi dapat iasa sa UNWFP at iba pang organisasyon ang pagpapakain sa mga kapuspalad na bata.
Asikasuhin naman ng DepEd ang kanilang feeding program at hindi naman sana noodles ang kanilang maisip na ibigay para naman magkaroon ng sustansiya ang mga batang mag-aaral. Bakit hindi masusustansiyang pagkain ang ipamahagi para mabawasan ang mga malnourished. Bago pumasok sa classroom ang mga bata, siguruhing busog na busog sila.
- Latest
- Trending