Hamon ni Bro. Eddie sa mga kabataan
ANG problema sa lipunan ay marami nang tao ang lumihis sa matuwid na landas. Marami na ang ganid pati na sa mga nakapuwesto sa gobyerno. People have departed too far from the righteous path. Hindi relihiyon ito. Kahit sa mga hindi naniniwala sa Diyos ay mayroong sumusunod sa matuwid na prinsipyo ng katapatan, paglilingkod at pagmamahal sa kapwa kahit hindi naniniwala sa Diyos.
Ironically, kung sino pa ang mga nagsasabing naniniwala sa Diyos ay siya pang kinakikitahan ng kasakiman. Marami nang magnanakaw na nasa mataas na posisyon sa pamahalaan. Hindi public service ang ginagawa kundi “self-service” para patabain ang bulsa at magpakalasing sa kapangyarihan kahit ang napipinsala ay ang kinabukasan ng ating mga kabataan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng salapi, puwedeng imaniobra ang sistema para makapanatili sa rurok ng kapangyarihan.
Kaya ang hamon ni Bro. Eddie Villanueva, namumuno sa Bagong Pilipino, Bagong Pilipinas Movement, “Ipaglaban ang inyong magandang kinabukasan”.
“The youth of today must not, ever, allow the government to continue this daylight robbery of their rights done under their very noses,” Ani Bro Eddie kaugnay ng tuso at malisyosong pagpasa ng Mababang Kapulungan sa House Resolution 1109 na magbabago sa Konstitusyon (sa pamamagitan ng Con-Ass) na itsapuwera ang Senado. Maraming sector ng lipunan ang kumokondena sa tusong hakbang na ito. Halatang-halata palibhasa ang layuning panatilihin sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon.Talagang lantarang pambabastos ito sa umiiral na demokrasya.
Ayaw na natin ang people power revolution dahil may negatibo ring epekto sa lipunan. Paulit-ulit nang nangyari iyan pero wala pa ring buting hinantungan ang Pilipinas. Pero kung may mga pagtatangkang supilin ang demokrasya lalu na sa panig ng mga umuugit sa gobyerno, paano maiiwasan ang pag-aaklas ng taumbayan? Ang nakakainis pa ay hugas-kamay ang Malacañang sa usaping ito at sinasabi pang walang pakialam ang ehekutibo sa gawain ng mga mambabatas.
Sa ganitong adbokasya na linisin ang lipunan sa lahat ng uri ng kasakiman at kasamaan, dapat ang mga nakatatanda ay nasa “board of counselors” pero ang mga tagapanguna ay mga kabataan. Sana nga’y magbuklod-buklod ang mga kabataan sa mithiing ito.
- Latest
- Trending