MALAKING halaga ang inilalaan ng Department of Education (DepEd) sa mga textbook na ginagamit mula Grade I hanggang Grade VI sa public school. Pero sa kabila nang malaking halaga na binubuhos, mga palpak naman pala ang textbook na naipapamahagi at walang naibibigay na kaalaman sa mga estudyante. Paano’y maraming mali ang textbooks. Ayon sa DepEd may kabuuang $200-million ang na-loan nila sa World Bank at ang bahagi ng pera ay ginamit sa pagbili ng libro at iba pang pangangailangan sa departamento.
Pero nawalan ng saysay ang malaking pondo sapagkat natuklasan na ang English textbook na may pamagat na “English for You and Me” na ginagamit sa Grade I hanggang Grade VI ay maraming grammatical error. Ang awtor ng textbook ay si Elodie Cada at inilathala ng Bookwise Publishing. Naipamahagi na ang mga libro sa public schools ngayong school year 2009-2010.
Kung noon ay kakaunti ang mga nakitang pagkakamali sa mga textbook, ngayon ay dumami pa. Sabi ng textbook error watchdog na pinamununuan ni Antonio Calipio Go, maraming mali sa librong kadi-distribute pa lamang. Ayon kay Go, mahigit 500 errors ang nakita sa libro at karamihan dito ay grammatical errors. Ang mga mali ay noon pang Pebrero nakita ni Go at agad naman niyang ipinagbigay alam kay DepEd secretary Jesli Lapus. Noong una ay ayaw pansinin ng DepEd si Go pero sa dakong huli inamin din nila na mayroon ngang pagkakamali.
Ang pagtanggap sa katotohanan na maraming mali sa English textbook ang dahilan para mag-isyu ng teacher’s guide ang DepEd sa buong bansa. Ito ay para raw maiwasto ang errors sa textbook. Mismong si DepEd secretary Jesli Lapus ang nag-utos para mag-isyu ng teacher’s guide.
Paano kung walang error watchdog na matiyagang bumubusisi sa mga mali sa libro? Kawawa naman ang mga estudyante sa public school. Hindi ba maaaring magkaroon ang DepEd ng isang department na magti-tsek sa content ng libro bago ito iimprenta. At ang mahalaga, alaming mabuti ang kuwalipikasyon ng awtor bago siya maglathala ng libro. Baka pinabili lang siya ng toyo, pagbalik ay writer na ng libro.