Naging praktikal si Sen. Lacson
Ipinahayag ni Sen. Panfilo Lacson na hindi na siya tatakbong presidente sa halalan sa 2010. Dinahilan niya na mahihirapan siyang makakuha ng suporta, partikular na pinansiyal na suporta, dahil mababa ang kanyang posisyon sa mga lumalabas na surveys. Nasa pampitong posisyon na yata siya sa pinakahuling survey na inilabas ng Pulse Asia nakaraan lamang. Kaya minabuti na lamang niyang umatras. Sa madaling salita, naging praktikal siya. Hindi na niya pinilit ang hindi mapipilit. Kung may mga nagulat sa desisyon ni Lacson, may mga sumang-ayon din.
Pero hindi rin matatanggal sa isipan nang marami na may kinalaman ang pagbabalik ni Cesar Mancao para tumestigo sa Dacer-Corbito double murder case, kung saan idinawit na niya si Lacson na utak sa karumal-dumal na krimen. Si Mancao ay dating tauhan ni Lacson sa PAOCTF, sa ilalim ng administrasyon ni President Estrada. Hindi pa alam kung madadawit na rin ang dating presidente sa isyu na ito. Mariin naman nilang itinatanggi ang mga paratang.
Maaaring maghahanda na lang si Lacson para sa depensa niya, kung mauuwi sa pagsampa ng kaso laban sa kanya kapag nagsalita na si Mancao sa isang paglilitis. Mas mahalaga na siguro ang idepensa ang sarili sa isang mabigat na paratang, kaysa atupagin pa ang isang kampanya kung saan mahirap manalo, dahil na rin sa kanyang posisyon sa surveys.
Nangako naman si Lacson na sa darating na tamang panahon, susuportahan niya ang karapat-dapat na mamuno sa bansang ito sa susunod na anim na taon. Isang pinuno na ang hangarin ay malapit sa sarili niyang mga hangarin, at ito ay ang pagbabago ng gobyerno. Pero kailangan daw magsimula ang pagbabago sa sarili. Ang isang pinuno ay dapat walang bahid ng katiwalian o anomalya, pati na ang kanyang mga kamag-anak, kundi wala ring mangyayari sa bansang ito.
Sang-ayon ako roon. Masyado nang bugbog ang bansang ito sa mga nagiging pinuno na tangay na rin ang lahat ng kanyang kamag-anak, at sila-sila na lang ang nakikinabang sa lahat. Mga taong tila walang kabusugan sa kayamanan at kapangyarihan, na kailangan ay makuha ang lahat. Ito ang mga dapat iwasan nang hindi na maulit ang nangyari sa siyam na taon na pananatili ni Arroyo at 20 taon ni Marcos!
- Latest
- Trending