Relasyon ng may-ari ng lupa at tenant

Kapag ang usapin ay tungkol sa relasyon ng may-ari at tenant ng lupang pambukid, ang may kapangyarihan sa kaso ay ang Department of Agrarian Reform Adjudicatory Board (DARAB). Kailan ba may usaping ganito? Iyan ang sasagutin sa kasong ito.

Ang kaso ay tungkol sa lupain na may tanim na pili, anahaw, niyog, saging at pinya. Dalawang partido ang umangking may-ari nito. Si Aling Pining na nagsasabing minana niya ito sa kanyang ama at ito’y tinataniman ni Mang Pedro na kanyang tenant; at sina Mang Cardo at Aling Anita na nagsasabing ang lupa’y nasa posisyon at tinataniman nila ng 45 taon na.

Ang unang kaso ay sinampa sa DARAB ni Mang Pedro na nagsasabing siya’y tenant ni Aling Pining. Habang ito’y nakabinbin, inatasan ng abogado ni Mang Pedro na pumitas nang mga prutas at dahon ng anahaw. Nang malaman ito nina Mang Cardo at Aling Anita, nagsampa sila sa Municipal Trial Court (MTC) ng dalawang kaso upang pagbayarin ng danyos si Mang Pedro, ang katulong nitong si Manuel, at abogado nito at upang pigilin pa sila sa kanilang ginagawang pagpitas.

Matapos ang mabilis na paglilitis, nagpasya ang MTC pabor kina Mang Cardo at pinagbawalan sina Mang Pedro na molestiyahin ang mga ito sa pamumusisyon sa lupa.

Nang umapela sina Mang Pedro, pinawalang bisa ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA) ang desisyon ng MTC. Sinabi ng RTC at CA na ang kasong sinampa nina Mang Cardo sa MTC ay may kinalaman   sa relasyon ng may-ari at tenant ng lupaing pambukid. Kaya’t DARAB ang may hurisdiksiyon dito. Tama ba ang RTC at CA?

MALI. Ang kasong sinampa nina Mang Cardo ay upang makakuha ng danyos lamang dahil sa pamimitas ng prutas. Ito’y hindi tungkol sa relasyon ng may-ari at tenant. Sa katunayan nga dalawang partido ang uma­angking may-ari ng lupa. Walang kapangyarihan ang DARAB na pasyahan kung sino ang may-ari nito. Hangga’t hindi napapasyahan kung sino ang may-ari ng lupa, hindi magkakaroon ng usapin tungkol sa relasyon ng may-ari at tenant. (Morta Sr. vs. Occidental, et. al. G.R. No. 123417 June 10, 1999).


Show comments