Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia sa Presidential preferences, lumabas na statistically tied pa rin sa top three positions sina dating Pangulo Erap Estrada, Vice President Noli de Castro at Sen. Chiz Escudero. Hindi matibag sa pangunahing puwesto ang tatlo, kasunod nina Sens. Manny Villar at Mar Roxas na hindi rin naman kalayuan. Tanging si Sen. Loren Legarda ang plumakda pababa. Nakakurot naman ng bahagyang atensiyon sina Mayor Jojo Binay, Sen. Ping Lacson, Chief Justice Rey Puno at ang pinakabagong dugo, si Defense Secretary Gibo Teodoro.
Ang positibong implikasyon ng ganitong gitgitan ay ang pruwebang pinag-iisipan ng Pilipino itong importanteng desisyon. Sa pag-umpisa ng kampanya — kung saan magpapakilala ng husto ang mga kandidato, mailalathala ang plataporma at masasagot ng diretsahan ang mga katanungan ng bayan - magkakaalaman kung ang paborito sa ngayon ay mapapangatawanan pa bukas. Maraming maaring magbago sa 90 days campaign – maaring may lumabas na iskandalong personal o pulitikal na magpapabigat; puwede ring may katotohanang lalantad na lalong magpapa-akit sa botante.
Sa dami rin ng lumulutang ay mapipilitan tayong kilatisin ang kakayanan ng bawat isa. Ano ang kuwalipikasyon o naging karanasan sa pamumuno? Si Erap ay may track record na bilang ehekutibo sa Malacañang at sa munisipyo ng San Juan; si Noli sa VP Office at sa Housing Department; si Manny bilang Speaker at Senate President; si Mar sa DTI; si Jojo sa Makati; si Ping sa PNP at sa PAOCTF; si CJ bilang administrador ng Supreme Court at buong Judicial Department; si Gibo sa DND. Lahat, maliban kay CJ Puno, ay naging mambabatas kaya’t marunong umunawa sa damdamin ng Lehislatura. Tatlo lang sa walo ang abogado.
Bawat botante’y dapat lang matuwa na mabibigyang pagkakataon upang malayang makapamili at makagawa ng intelihenteng desisyon. Ang pagpili ng kung sinong kakatawan sa nakararami ay karapatang hindi maaring ipagkait sa mamamayan. Ito ang mismong pundasyon ng ating demokrasya. Maganda’t muling nagka-PULSE ang naghihingalong Pilipino na buwan na lang ang bibilangin at malalampasan na rin ang bangungot na kasalukuyang pinapasan.