Naglipana na ang mga makina ng video karera sa Marikina City at mukhang hindi ito alam ni Mayor Maria Lourdes Fernando. At ang itinuturong nasa likod ng video karera operations sa siyudad ni Fernando ay walang iba kundi ang retired policeman na si Rafael “Paeng” Palma. Kung hindi masawata ni Fernando ang mga makina ni Palma paano na lang kung manalo sa pagka-presidente ang asawa niyang si MMDA chairman Bayani Fernando? Ibig bang sabihin n’yan mamumutiktik ang video karera sa buong bansa dahil sa Marikina City ay hindi ito maipasara ng mga Fernando?
Ang operation ng video karera ni Palma ay mula 10 p.m. hanggang 6 a.m. lang. Ibig sabihin n’yan mga suki, panay mga adik ang kliyente ni Palma. Kaya’t kung dumami man ang bilang ng hindi lang sugarol kundi maging ang adik sa Marikina City, aba walang dapat sisihin kundi ang video karera ni Palma at ang pabayang mag-asawang Fernando, di ba mga suki? Hehehe! Baka binubulag lang ng mga bataan niya at pulisya ang mag-asawang Fernando ah? Tiyak me basbas ng City Hall ‘yang video karera ni Palma.
Ang video karera rin kaya ni Palma ang dahilan kung bakit hindi na No. 1 police station sa Metro Manila ang Marikina City police? Halos ilang buwan na kasing nasa puwesto si Sr. Supt. Romeo Magsalos, ang hepe ng Marikina City police, subalit wala pa akong naririnig na accomplishment niya. Paano kasi bulsa niya ang kanyang inuuna. Hehehe! Alam kaya ni Magsalos ang video karera ni Palma? Posibleng hindi, di ba mga suki?
Ang Marikina City police mga suki ay palaging nangunguna sa mga accomplishment sa Metro Manila at katunayan dalawang magkasunod na taon sa liderato ni Supt. Sotero Ramos Jr., ito napiling Best Police Station ng NCRPO at PNP. Sa panahon din ni Ramos napiling Best Police Station ang Marikina City police ng Eastern Police District sa 10 quarterly ratings. At bunga sa accomplishments ng Marikina City police, ang istasyon nila ang napili ng PNP na pilot project ng transformation program nila. Nakuha lahat ng Marikina City police ang mga pinakamataas na award ng PNP, NCRPO at EPD noong wala pang video karera sa siyudad ni Fernando si Palma. Paano na lang ngayon? Hehehe! Kung magiging kulelat man ang Marikina City police sa ngayon, alam n’yo na mga suki ang kasagutan. Ano ba ‘yan?
Sino si Palma? Noong aktibo pa si Palma sa serbisyo mga suki, siya ang tinatawag na bagman ng mga amo niya sa CIDG. ‘Ika nga tulisan ding makipag-usap sa mga gambling lords si Palma, ayon sa mga kausap ko. Subalit dahil sa malaki ang patong niya sa collection ng amo niya sa CIDG, aba nakapagpatayo ng Palasyo si Palma sa Antipolo City. At kuwidaw kayo mga suki dahil may swimming pool pa ha. At kung patuloy ang ligaya ni Palma, ang natatapakan naman ay ang political future ng mga Fernando at ang kinabukasan ng PNP. Abangan!