Dinadrayb ni Ponce ang kotse na pag-aari ng kompanya ng kanyang kapatid sa Makati Avenue. Sa may 10 metrong layo sa kabilang direksyon, nakita ni Ponce ang nakabisikletang si Amir. Ang bisikleta ay walang safety gadgets tulad ng bell, footbrakes, headlights at hindi nakarehistro ang bisikleta sa munisipyo salungat sa ipinag-uutos ng ordinansa nito.
Nang makarating na ang umaarangkadang kotse ni Ponce sa may J.P. Rizal St., bigla itong kumaliwa kahit na may dyip sa harap nito. At dahil hindi na nakontrol ni Ponce ang bilis ng kanyang takbo, tinamaan niya ang kaliwang hita ni Amir na nagdulot ng matinding bali nito at pinsala na kinailangan ng ilang beses na pagpapagamot at apat na operasyon.
Sinampahan ng kaso ni Amir si Ponce at ang kompanya na nagmamay-ari ng sasakyan. Pinaboran ng Regional Trial Court (RTC) si Amir kung saan iniutos nito kina Ponce at sa kompanya na bayaran siya ng P150,000 actual damages, P10,000 moral damages at P20,000 na attorney’s fees. Kinumpirma ito ng Court of Appeals.
Kinuwestyun ni Ponce ang desisyon ng korte. Iginiit niya na si Amir ang nagpabaya ayon sa Artikulo 2185 ng Kodigo Sibil. Ipinapalagay daw na nagkaroon ng kapabayaan si Amir dahil sa oras ng sakuna, may paglabag ito sa ipinag-uutos ng isang ordinansa. Kaya, ang paglabag ni Amir ang dapat na maging batayan upang mapawalang-sala siya sa anumang pinsalang nangyari kay Amir. Tama ba si Ponce?
MALI. Ang artikulo 2185 ng Kodigo Sibil, ay tumutukoy lamang sa mga sasakyang may motor. Kung ikukumpara sa isang bisekleta, mas mahirap kontrolin ang bilis at arangkada ng isang kotse kaya mas matindi ang maidudulot nitong pinsala kapag nagkataon. Ito ang dahilan kung bakit mas higit ang hinihinging pag-iingat at kasanayan sa paggamit ng kotse kaysa sa paggamit ng bisekleta.
Ang paglabag ni Amir sa ordinansa ay masasabing isang kapabayaan subalit hindi ito sapat upang ipagkait sa kanya ang karapatan na mabayaran siya sa pinsalang natamo.
Sa katunayan, ang kapabayaan ni Ponce ang puno’t dulo ng nasabing sakuna kung saan inamin niya na nakita na niya si Amir sa may sampung metro layo. Kaya hindi na niya maitatanggi na nagkulang siya ng pag-iingat. At kahit na may brakes ang bisikleta ni Amir, maikli pa rin ang pagkakataon nitong maiwasan ang umaarangkadang sasakyan ni Ponce. Kaya, tanging si Ponce ang may pananagutan sa aksidenteng nabanggit (Anonuevo vs. Court of Appeals and Vilagracia, G.R. 130003, October 20, 2004).