IPINAKITA lang ni President Arroyo ang kanyang sinseridad niya na magkabuo na ang mga Pinoy nang ihayag niya ang P10,000 cash incentive sa sinumang sibilyan na makapagkumbinsi ng rebelde na sumuko na sa pamahalaan. Ayon kay ret. Gen. Avelino Razon, presidential adviser on the peace process, dahil sa reward, dumarami ang bilang ng mga rebelde na gustong magbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng Social Integration Program (SIP) ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, inihanda na ng National Committee for Social Integration (NCSI) sa ilalim ng OPAPP o opisina ni Razon ang mga guidelines, standards at qualification criteria para sa pagbibigay ng cash incentives. Mukhang nasa tamang direksiyon naman si GMA dahil dumagsa ang mga dating rebelde na sumuporta sa naturang programa para naman magkaroon sila ng puhunan o kaya’y may pantustos sila sa kanilang mga pamilya, habang naghahanap pa ng trabaho. Hehehe! Sana ito na ang magiging daan para magkasundo-sundo tayong mga Pinoy.
Hindi na dapat lumayo para ibando sa madlang people, na hindi giyera ang kalutasan ng problema ng gobyerno kundi ang pagkakaintindihan at pagkakaisa. Gawin na lang halimbawa ang kaso ni Jovencio Balweg, ang top rebel leader ng Abra na naaresto ng Cordillera police sa Baguio City noong May 18. Dahil sa magandang trato sa kanya nina Cordillera police director Chief Supt. Orlando Pestano at Sr. Supt. Alex Pumecha, aba biglang nag-iba ang ihip ng hangin sa utak ni Balweg at siya mismo ang humikayat sa asawang si Carmen, anak na si Jovencio Jr., at asawa nitong si Geraldine na sumuko na sa pamahalaan.
Itong matandang Balweg kasi ay may sakit. Nagulat siya nang ipadala ni Pestano sa ospital para ipagamot. Wala siyang gastos. Alam naman ni Balweg na kumakalam ang sikmura nila sa gutom at masyadong hirap sa pakikibaka sa gobyerno. Subalit may napala ba ang pamilya ni Balweg? Eh di wala. Kaya kung si Balweg ay natanggap ang katotohanan na hindi nila kayang itumba ang gobyerno ni GMA sa pamamagitan ng barilan, ano pa ba ang hinihintay ng ilan pang Pinoy na naligaw ng landas sa bundok? Bumaba na kayo para magtamasa sa mga cash incentive ni GMA.
Ayon pa kay Razon, sa sobrang hirap ng buhay sa ngayon dahil sa worldwide economic recession, malaking bagay ang cash incentive para sa kinabukasan ng mga rebelde at pamilya nila. Dapat lang sigurong panay pera naman ang mahawakan nila at hindi mga baril na magiging dahilan pa ng kamatayan nila.
Naging halimbawa ni Razon si alyas Luis, 25, rebelled mula sa Leyte na halos hindi makapaniwala ng mapasakamay niya ang P20,000 ng sumuko siya. Sa wakas may mahawa-kan na si Luis na pera para maisakatuparan ang matagal niyang ambition na makapagpatayo ng piggery para sa pamilya niya. Naaresto si Luis dahil sapilitan siyang pumasok sa isang bahay para magkalaman ang sikmura niya. Eh wala raw silang makain sa kampo ng NPA.
Marami pang mga rebelde ang nakausap ni Razon na masaya sa desisyon nilang magbalik-loob sa gobyerno at mamuhay ng normal. Kaya’t sa mga kapwa-Pinoy sa bundok, ano pa ang hinihintay n’yo? Abangan!