Pabuya ng Amerika
NAGLABAS ng bagong pabuya ang Amerika para sa lokasyon o inpormasyon sa paghuli sa tatlong miyembro ng Abu Sayyaf. Dalawa’t kalahating milyong dolyar ang kabuuang pabuya para sa tatlo. Sila ay si Radullan Sahiron – isang milyong dolyar; Abdul Basit Usman, taga-gawa ng mga bomba – isang milyong dolyar; at si Khair Mundos – ang umano’y kapitalista ng Abu Sayyaf - kalahating milyong dolyar. Sang-ayon naman ang AFP sa nilabas na pabuya, at baka ito pa ang makatulong para mahuli at makulong na ang tatlong terorista. Sa panahon ngayon, malayo ang mararating ng mga perang iyan. Siguradong malakas ang tukso nito sa mga nakakaalam ukol sa tatlo.
At napatunayan na gumagana ang ganitong pamamaraan para magka-inpormasyon ukol sa mga terorista. May mga nakatanggap na ng malalaking halagang pera para sa kanilang isiniwalat na inpormasyon laban sa mga terorista sa Mindanao. Pero marami rin ang nag-iisip na mga kasama rin ng Abu Sayyaf ang mga ito, at kapag nahuli na ang mga kasamahan nila, sila naman ang tumatayong mga bagong lider, at may pera pang pambili ng armas! Hindi malayo mangyari iyan. Sa paglaya ni Mary Jean Lacaba, isa sa tatlong ICRC na nabihag ng Abu Sayyaf, may hinala na may pantubos na binayad, dahil sa mga sumunod na araw ay “namamalengke” umano ng baril ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf.
Makakatulong talaga ang nilabas na pabuya ng Ame rika. Parang pain na rin ito para lumabas ang mga gustong kumita sa pagbigay ng inpormasyon sa mga Amerikano. Kapag pera na talaga ang pinag-uusapan, hindi malayo ang matraidor ng kaibigan. Marami nang insidenteng ganito. Mga nanloloko ng kaibigan dahil sa pera, mga nag-aaway na partner sa negosyo dahil sa pera.
Pero ang pinakamasama na siguro ay ang pagloko sa bayan dahil sa pera. Ang paglilinlang sa bayan, dahil sa pera. Ang pag-traydor sa bayan dahil sa pera. Kung may magandang naitutulong ang pera, sanhi rin ito ng mga pinakamasasamang krimen sa lipunan. Siguraduhin na lang ng Amerika na para sa mabuti ang paggagamitan ng malaking halagang pabuya, at hindi gagami-tin na panlaban na rin sa mga sundalo natin.
- Latest
- Trending