NAGTATAKA ang mambabasang nag-e-mail sa pangalang Justice Angel. Bakit aniya ang isang maayos na kalsada nila sa Las Piñas City ay tinitibag ng DPWH para sementohin uli? Hindi naman ito aspaltong manipis kundi konkreto na mas matagal ang buhay, kaya hindi niya maarok ang pakay.
Magngingitngit tiyak si Justice Angel kapag malaman ang totoo. Matagal nang raket sa DPWH na wasakin ang konkreto, tulad ng EDSA. Ito’y para gamitin ang luma, tuyung-tuyo’t matigas nang konkreto bilang filling material o panambak sa pundasyon ng isang private contractor na nanunuhol dito. Malimit ginagawa ang raket kapag ganitong panahon. Kasi naghuhukay na ng pampundasyon ang contractors para simulang itayo ang kinontratang gusali nang mga Setyembre (pagkatapos ng tag-ulan). Doble ang ganansiya. Ito rin ang panahon na naku kuwenta ng DPWH officials kung magkano pa ang nati- tira nilang infrastructure funds mula sa taunang budget. Uubusin na nila ito, at may “tong-pats” pa mula sa kontratistang taga-tibag ng luma at taga-latag ng bagong kongkreto.
Hindi lang sa ehekutibo ginagawa ang mga misteryosong raket. Sa lehislatura, halimbawa, lumabas nu’ng 1994 ang batas na nag-e-exempt ng import taxes sa mga libro o kagamitan para sa paglilimbag. Natural, ang implikasyon nito ay lahat ng ibang angkat na libro, na hindi para sa paglilimbag, ay bubuwisan; at ‘yun na nga ang ginagawa ng Customs. Labag ito sa 1950 Florence Agreement, na pinirmahan ng Pilipinas nu’ng 1952, na nag-aalis ng anomang buwis sa paglabas-masok ng kagamitan para sa science, education at culture saan man sa mundo. Pinaboran ng Kongreso ang kokonting local book publishers imbis na ang masa na nangangailangan ng kaalaman.
Hindi na lihim ang mga misteryo rin sa hudikatura. Doon, pabali-baliktad ang mga desisyon ng mga mahistrado, depende sa padulas ng mayayamang litigante. Lalo sa mga kasong lupa, napapasa-kamay ng talamak na land grabber ang lehitimo’t tituladong pag-aari ng iba. Kung minsan, may parte pa ang mahistrado sa ninakaw na hacienda.