Pinoys, bukambibig na sa mundo
Sa isang nakaraan kong kolum, sinabi kong sana’y sumikat din ang mga Pinoy sa iba pang larangan tulad ng pagsikat ni Manny Pacquiao sa boksing. Marami namang Pinoy ang magagaling sa lahat ng larangan gaya ng pag-awit at pag-arte. Bukod kay Pacman, nakikilala na rin ang batambatang Pinay na si Charice Pempengco.
Inilunsad sa popular na TV program ni Oprah Win-frey noong nakaraang Lunes ang pang-worldwide re-lease ng kanta ni Charice na pinamagatang “Note to God” na sinulat ni Diane Warren. Ang producer ay ang matinik na composer na si David Foster na marami nang pinasikat na superstar-singers na katulad nina Celine Dion, Mariah Carey at Josh Groban.
Napaluha ako nang lumabas sa program ni Oprah si Charice. Feel na feel at buong galing na kinanta nito ang “Note to God”. Kitang-kita ang paghanga ni Oprah at pinangunahan nito ang standing ovation. Walang tigil ang palakpakan ng mga manonood habang kumakanta si Charice. Marami pa raw inihahanda ni David Foster na kakantahin ni Charice.
Katulad ni Pacman na ipinagbunyi ng mga Pilipino dahil sa ipinakitang galing sa boksing, dapat ganito rin ang ipakita kay Charice. Ang tagumpay ni Charice ay tagumpay nang lahat ng Pinoy. Kung ipinagmamalaki si Pacman, dapat ding ipagmalaki ang 17-anyos na singer. Dapat iyang purihin sapagkat isa siya sa mga nagpapakilala sa galing ng Pinoy. Ipagdasal sana natin ang tagumpay pa nina Pacman at Charice. Dahil sa kanila, naging bukambibig na ang mga Pinoy sa mundo.
- Latest
- Trending