SI Dr. Magno ay nagtatrabaho sa isang airline company bilang flight surgeon. Ang kanyang duty ay mula 4:00 ng hapon hanggang 12:00 ng hatinggabi. Isang gabi, dakong alas-7:00 ng kanyang duty, umalis sa klinika si Dr. Magno upang maghapunan sa kanyang bahay. May limang minuto ang layo nito sa klinika. Subalit ilang saglit pa lamang ang nakalilipas ay nakatanggap na ng emergency call ang klinika mula sa cargo department tungkol sa isang empleyado nito na inatake sa puso. Itinawag agad ito ng nurse sa bahay ni Dr. Magno.
Dumating ang pasyente sa klinika bandang 7:50 ng gabi at agad itong dinala ng nurse sa ospital kaya hindi na sila inabutan ni Dr. Magno nang makabalik ito sa klinika makaraan ang isang minuto. Namatay din ang pasyente sa sumunod na araw.
Nang malaman ng airline company ang nangyari, iniutos nito sa medical director at chief flight surgeon na kunan ng paliwanag si Dr. Magno kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusang administratibo.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Magno na siya ay umalis ng klinika dahil meal break naman niya. Agad daw siyang nagtungo sa klinika nang matanggap niya ang tawag ng nurse subalit wala na raw siyang inabutan dahil nataranta na ang nurse na dalhin ang pasyente sa ospital. Ngunit hindi tinanggap ng mga nakatataas ang paliwanag niya. Sinampahan nila si Dr. Magno ng abandonment of post while on duty. Nagsumite si Dr. Magno ng kanyang paliwanag sa loob ng 10 araw na naitakda. Subalit hindi pa rin siya pinaniwalaan ng kompanya.
Ayon sa kompanya, bilang full time na empleyado, kinakailangang manatili si Dr. Magno sa klinika sa hindi bababa ng walong oras. Ipinagbabawal din na siya’y umalis sa klinika sa anumang oras kahit na sa oras ng pagkain. Kaya siya’y sinuspinde ng tatlong buwan. Tama ba ang kompanya?
MALI. Ilegal at walang bisa ang pagsuspinde ng kompanya kay Dr. Magno. Napatunayan na ang pag-alis niya sa klinika ng gabing ‘yun ay upang maghapunan sa kanyang bahay na may limang minuto lamang ang layo sa kumpanya. Nagpaalam din siya sa nurse upang sa gayon ay agad siyang mahanap kapag nagkaroon ng emergency.
Ayon sa Labor Code, ang isang oras na meal break na ibinibigay sa health personnel ay hindi kabilang sa walong oras na trabaho sa isang araw at sa limang araw sa isang linggo. Maaari ring kumain sa labas ng opisina ang mga empleyado hangga’t makakabalik ito sa takdang oras ng trabaho. Kaya, nang maghapunan si Dr. Magno sa labas ng klinika, hindi ito maituturing na abandonment of post (PAL vs. NLRC, et.al. G.R. 132805, Feb. 2, 1999).