^

PSN Opinyon

'Bumalik sa pagkabata...'

- Tony Calvento -

“Hawak ko ang aking asawa na nakahandusay sa kalsada da­hil sa pagkabundol sa kanya ng bus. Nais tumakas ng dray­ber at sinisigawan akong tumabi kami.

Narinig kong malakas niyang nirerebulusyon ang makina ng kanyang sasakyan sabay sigaw sa amin, ‘kapag hindi kayo tumabi sasagasaan ko kayong dalawa,’

Tiningnan ko ang aking asawa at hindi ko maigalaw at tiningnan ko rin yung bus drayber na mukhang desididong gawin ang kanyang banta. Nagdesisyon na ako sa aking sarili na handa akong mamatay sa piling ng aking asawa,” mga sandaling puno ng tension at emosyon na ibinahagi sa amin ng isang matandang lalaki na lumapit sa aming tanggapan.

Madalas nating madinig ang mga katagang, “Sa hirap o ginahawa… hanggang kamatayan hindi tayo maghihiwalay.”

Ilan kaya sa inyong mga asawa ang hindi kayo iiwan sa harap ng sigu­ radong kamatayan. Basahin natin ang kwentong tampok ngayong araw na ito.

Lumapit sa aming tanggapan si Luisito “Itoh” Francisco, 59 taong gulang, nakatira sa San Agustin, Alaminos, Laguna, traysikel drayber at ‘volunteer’ sa NGO, upang ihingi ng tulong ang nangyari sa kaniyang asawang si Lucia Francisco, 60 taong gulang.

Ika-30 ng Disyembre, taong 2008, habang tumatawid si Lucia sa Maharlika Highway, Alaminos Laguna upang pumunta sa New City Hardware isang pampasaherong bus ng Lucena Lines na biyaheng Cubao na may plakang DVW 513 at body no. 8208 ang biglang nag-‘overtake’ sa mga sasakyang nakahinto at nabunggo ang tumatawid na si Lucia. Tumilapon ang biktima at napuruhan ang bandang ulo nito.

Kitang-kita ni Itoh ang mga pangyayari, at dali-dali itong tumakbo papunta sa asawa. Balak pa umano silang sagasaan ng drayber sabay sabing, “Tabi! Tabi!!,” walang ibang maisip si Itoh kundi bu­nutin nalang ang kaniyang PNP Monitoring Group I.D. kung saan siya ay miyembro at baka sakaling tumigil umano ang drayber.

“Paano ‘ko tatabi? Asawa ko yung nakabulagta, iiwan ko ba siya?!” pahayag ni Itoh.

Tinulungan si Itoh ng mga nakakita upang buhatin ang walang malay na misis. Inakala ni Itoh na bababa ang drayber upang sila’y tulungan ngunit bumwelo lamang pala ito sabay harurot ng sasakyan.

“Humingi ako ng tulong sa naka-motor na pulis para habulin yung drayber ng Lucena Lines,” sabi ni Itoh.

Agad namang dinala ni Itoh ang kaniyang misis sa St. Clement Medical Center para sa paunang lunas. Sinabi ng mga doktor dun na dalhin na ito sa mas malaking ospital dalhil napinsala ang bandang ulo nito at kailangang ma- ‘CT scan’. Inilipat si Lucia sa San Pablo Colleges Medical Center upang ma- CT scan.

SA FINDINGS ng CT SCAN lumalabas na namamaga at du­mudugo ang utak ni Lucia. Seryoso ang kanyang tinamong pinsala.

Sinabihan ng doktor si Itoh na dapat dalhin sa ICU at maoperahan ang kaniyang asawa sa loob ng tatlong oras kung hindi ay maaari itong mamatay dahil sa tinamong pinsala sa ulo.

Isang mabigat na problema ang kasama nito. Kailangan din umanong maghanda ng kalahating milyon para sa gastusin. Dapat din umanong magdeposito ng thirty percent (30%) na kabuuang bayad si Itoh sumunod na araw pagkatapos ng operasyon.

Walang hawak pera si Itoh kaya’t nagpunta siya sa presinto ng Ala­minos, Laguna upang alamin kung nahuli ng pulisya ang drayber ng Lucena Lines.

Nadatnan niya ay ang mga inspektor ng Lucena Lines na sina Renato Mallari, Andres Ricamara at Marlon Ricamara. Sinabi umano ng ‘Chief Inspector’ ng Lucena Lines na si Renato na sila na ang bahala sa lahat ng gastusin.

Nung araw din na iyon ay nagkaroon ng ‘police blotter’ sa harap ni PO1 Duty Investigator Arly Cabigas Salapa, at nagkaroon ng kasulatang kasunduan na sagutin ng kumpanya ang lahat ng danyos at gastusin hanggang sa paggaling ng biktima.

Pagkalipas ng halos dalawang oras sumama na umano si Renato sa ospital upang patunay lamang na sila ang magbabayad ng lahat ng gastusin nila Itoh at maumpisahan ang operasyon ni Lucia.

“Sabi sa akin ng doktor kung makikipagsapalaran daw ba ako kahit ‘di sila sigurado kung maliligtas ang misis ko pag­katapos ng operasyon,” ayon kay Itoh.

Nagbigay lamang ng Php118, 000 pesos ang Lucena Lines at hindi na umano nagpakita sa kanila si Renato at ‘di na rin sinasagot ang mga tawag o text nila.

Sinubukan tanungin ni Itoh ang ibang inspektor ng Lucena Lines pero wala daw silang alam. Wala na ring balita si Itoh kung nasaan ang suspek na si Wilfredo. At hindi niya ma-‘release’ sa ospital ang kaniyang asawa dahil sa iniwang bayarin ng Lucena Lines.

Ika-2 ng Marso, taong 2009, dahil tila tinakasan umano ng Lucena Lines at drayber nitong si Wilfredo ang responsibilidad sa biktima, nagsampa ng ‘complaint’ si Itoh sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa Lucena Lines Inc. at sa drayber nitong si Wilfredo sa ‘violation’ na Reckless Imprudence resulting to Serious Physical Injuries.

Ika- 21 ng Marso, taong 2009, kulang-kulang Php 500,000 ang balanse ng ‘hospital bill’, ngunit sa pagkakataong ito nakalabas na rin si Lucia na halos tatlong buwang namalagi sa ospital sa tulong ng Southern Luzon-Bantay Bayan Foundation, Inc. kung saan miyembro din si Itoh,

Nagbigay sila ‘endorsement letter’ sa ospital upang matulungan ang biktima na kolektahin ang kabuuang bayad sa Jac Liner na may hawak din sa Lucena Lines.

Ika-25 ng Marso, taong 2009, nagsampa ng kasong kriminal si Itoh sa Municipal Trial Court, Fourth Judicial Region sa Alaminos, Laguna ng ‘Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries’ laban kay Wifredo.

Ika-29 ng Abril, taong 2009, nagpadala ng ‘Subpoena’ ang Municipal Trial Court sa ilalim ni Hon. Rosario Ester Orda-Caise.

Sa ngayon si Lucia ay nagkaroon ng pinsala sa kanya isip. Hindi na nanumbalik ang kanyang normal na pagkatao. Naging ISIP BATA si Lucia at pati na rin sa kanyang pananalita.

“Awang-awa ako sa asawa ko. Gusto ko siyang ipaga­mot at alagaan na lang habang ako’y may buhay. Wala akong pera. Subalit maliban dun, inihahanap ko ng hustisya ang ginawa nila sa kanya,” paiyak na sinabi ni Itoh.(KINALAP NI CARRA DIZON)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero ay, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: [email protected]


ASAWA

DRAYBER

IKA

ITOH

LINES

LSQUO

LUCENA

LUCENA LINES

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with