Ganoon talaga
Hindi pa rin sumipot si Sen. Manny Villar sa Senate Committee of the Whole investigation sa reklamong “double insertion” sa C5. Sa kabila ng kanyang absence at sa walkout ng minority Senators, patuloy pa rin ang Senado sa prosesong inayunan ng mas nakararami.
Kailanma’y hindi maaring manaig ang pasya ng minorya sa kagustuhan ng mas nakararami sa isang Kamara. Kaya nga tayo tinuringan na demokrasya -– bawat isa sa atin ay may tinig na dapat pakinggan. Subalit sa huli ay ang kagustuhan ng mas nakararami ang kailangang sundan, lalo na sa Kongreso na salamin ng mas malaking lipunan.
May punto si dating Senador Jovito Salonga na sana’y huwag makilahok ang mga senador na tatakbong presidente sa 2010. Makukulayan daw ang kanilang pananaw ng pansariling interes. Totoo man ito, hindi pa rin sapat na dahilan upang talikuran ang katungkulan bilang halal na kinatawan. Anuman ang pansariling interes, kailangan pa ring makinig at bumoto — lalo na sa ganitong mga sensitibong usapin.
Si Villar ang kauna-unahang modernong pulitiko na naging Speaker of the House at Senate president. Siya ang huling tao na maaring magreklamo tungkol sa mga patakaran ng isang Kamara ng Kongreso. Nung nakaraan mga panahon, nang siya mismo ang nalagay sa sitwasyon na taliwas sa kagustuhan ng mayorya, ginamit niya ang posisyon bilang House Speaker upang pilipitin ang House Rules para ipanalo ang kanyang panig. Ito ay noong pilit na i-transmit ang 2000 Estrada Impeachment Complaint sa Senado sa kabila ng malinaw na kagustuhan ng mas nakararami. Hindi magandang tingnan na bigla niya ngayong tatakbuhan ang sariling institusyon dahil lang hindi niya makuha ang kagustuhan.
Lahat naman ng hakbang ay ginagawa ng Senado upang mabigyang pagkakataon si Villar na linawin ang paratang sa kanya. Sa ginagawa ni Senate President Enrile na tatawag pa ng preliminary conference, na mapakikinggan ang lahat ng panig bago tuluyang humatol ang Senado. Bilang miyembro ng Senado, hindi matatakasan ni Villar ang hatol ng kanyang mga kasamahan. Kung hindi siya handang talikuran ang kanyang pagka-senador, sana’y magdesisyon itong makilahok sa proseso dahil hindi titigil ang pag-ikot ng gulong ng hustisya, kesyo sumipot man siya o hindi.
- Latest
- Trending