^

PSN Opinyon

'Ayaw tumigil ang patayan!'

- Tony Calvento -

NOONG ABRIL isinulat ko ang serye na “ITIGIL MUNA ANG PATAYAN” base sa salaysay ni Gliceria “Ising” Fajardo, 63 taong gulang at nakatira sa Brgy. Simlong Batangas City.

Ang layon ko ay para ang dalawang magkatunggaling panig ay huminto muna ng karahasan at sinabi ko na kapag nagpatuloy ang patayan, “WA­LANG PANALO O TALO” at sabay-sabay kayong maglilibing ng inyong mga mahal sa buhay at ipagagamot ang inyong mga sugatan sa ospital.

Lumapit sa amin si Gliceria Fajardo upang idulog hindi lamang ang kanilang problema kundi isang malaking bangungot! Ang asawa niya na si Dante Fajardo ay sampung taong nagsilbi bilang Kapitan ng barangay sa kanilang lugar.

Mayo 1997 eleksyon ng mga panahon na yun ng may naging ka­laban si Dante sa pulitika bilang pagiging kapitan ng barangay. Ito ay sina Numeriano Cumia at Avelino Caraeg.

Natanggap daw ng maayos nila Dante at Avelino ang kanilang pagkatalo sa eleksyon laban kay Numeriano. Wala umano silang sama ng loob.

Setyembre 7, 1997 napabalita sa barangay na pinatay si Nu­meriano kasama ang kapatid niyang si Rolando at ang pamangkin na si Jojo Rayos ng hindi kilalang lalake habang sila ay nakasakay sa kanyang ‘owner type jeep’.

Nakasama pa nila Rufo Caraeg kapatid ni Avelino at ang nanalong ‘number one’ na konsehal sa kanilang bayan umano si Numeriano sa isang ‘meeting’.

“Marami ang nakakita ng pangyayari sa pagkamatay. Lahat ng tao sa bayan namin ay matindi ang takot. Walang nakatulong sa mga pinatay dahil ayaw nila madamay,” ayon kay Ising.

Nung mga oras na yun ay napadaan ang anak niyang si Filipina Arce (konsehal din) at ang asawa niyang si Pio na mas kilala sa pa­ngalang “Jun” sa pangyayari ng krimen.

Makalipas ang isang buwan ay may lumutang na mga testigo sa nangyaring pamamatay sila ay sina Panfilo Cabatay at Dante Diola.

Nagkaroon ng pag-imbistiga sa nangyaring krimen at itinuturo ng dalawang testigo na nakasakay sila Dante sa Nissan Vanette na minamaneho ni Jun. Inutos umano ni Felipina na patayin si Numeriano habang si Paterno De Castro naman ang bumaril dito.

Nobyembre 1998 nagsampa ang pamilya ng biktima sa Batangas Prosecutor’s Office ng kasong murder laban kila Dante Sr., Jun at Felipina.

“Imposible ang kanilang ibinibintang sa aming pamilya dahil sa mga panahong iyon ay may sakit ang asawa ko. Sila Filipina at asawa pa nga niya ang unang tumawag ng mga pulis para rumisponde sa nangyaring krimen sa kapitan ng barangay,” pahayag ni Ising.

Taong 2002 tatlong linggo bago ang eleksyon ay kinukumbinse si Dante ng kanyang mga kababayan na muling tumakbo sa pagiging Kapitan ng Barangay dahil umano hindi nila nagugustuhan ang pamamalakad ni Avelino.

Marso 3, 2002 ng rinatrat ang kanilang owner type jeep ng hindi nakikilalang mga lalake at pinuntiryang barilin si Dante sa ulo ng tatlong beses siyang paputukan ng ‘armalite’.

Isinalaysay ni Ising ang nangyaring pamamaril sa kanyang asawa sa mga pulis sa Batangas Provincial Station. Nagulat ito ng mapansin niya ang mga litrato sa ‘wanted list’.

“Bumalik lahat sa ala-ala ko ang buong pangyayari. Tiyak ko na ang mga nakita kong litrato ay ang mga pumatay sa asawa ko. Sila ay sina Benito Simbahan, Lazaro Malabanan at Rosie Malabanan,” kwento ni Ising.

Abril 2002 nagsampa naman ng kaso ang pamilya Fajardo ng murder sa Regional Trial Court Branch 84 ng Batangas City laban sa mga sangkot sa pagpatay kay Dante.

Enero 2005 bandang alas dos ng hapon habang papunta ng Bulwagan ng Katarungan ng Batangas City si Benito lulan ng BJMP (Bureau of Jail Management ang Phenology) van ay bigla silang tinambangan.

Malubhang nasugatan ang kanyang asawa samantalang namatay si Benito at ang kasamang gwardya sa dami ng natamong tama ng bala.

Naglabas ng ‘order’ ang humahawak ng kaso na si Judge Paterno Tac-an na ilipat ang kaso sa Maynila dahil grabe na ang mga nangyayaring patayan at marami na din ang mga nadadamay.

Humingi ng tulong ang pamilya Fajardo sa CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) para tuluyan ng mahuli ang mga akusado.

Inilapit din nila ang kanilang kaso sa Department of Justice para ang kanilang pamilya ay sumailalim sa pangangalaga ng Witness Protection Program.

Sa tulong ng aming programa na “Hustisya Para Sa Lahat” na­kausap ni Ising si DOJ Secretary Raul Gonzalez tungkol sa pro­blema niya sa kanyang anak at ang patuloy na proteksyon para sa kanilang buhay laban sa kanilang kaso.

Nung huli naming nakausap si Ising kinuwento niya ang pagkamatay ng kanyang pinsan.

Abril 19, 2009 bandang alas dose ng tanghali ng biglang binaril si William Ebora sa harap mismo ng kanilang bahay sa Brgy. Simlong, Batangas City ng hindi nakikilalang ‘gunman’. Nabalitaan nila Filipina ang nangyari kay William.

“Bigla raw pinaulanan ng bala si William habang siya ay nagpapahinga sa labas pagkatapos niyang mananghalian,” pahayag ni Ising.

Nung binaril raw si William ay kasama niya ang kanyang kapatid na si Antonio Ebora. Hindi nakahingi ng tulong si Antonio dahil siya raw ay tinutukan upang wag magsumbong at humingi ng tulong.

Nadatnan ni Jasmine na duguan ang kanyang ama sa labas ng kanilang bahay. Susunduin na niya sana ito upang sila ay magbakasyon sa Baguio at para na rin makalayo sa kung anu man ang maaaring mangyaring masama.

Bago raw binaril si William ay nauna ng pinatay sa pamamaril ang gwardiya ng kapitan ng barangay.

Idinawit umano si William dahil sila ay magkakaibigan ni Ruben Fajardo ang bunsong kapatid ng asawa ni Filipina.

Sinasabi umano na si Vicente Balmes pinsan ni Rufo Caraeg ang kasalukuyang barangay captain sa kanilang lugar ang pumatay kay William.

Tetistigo raw si William sa nalalapit na pagdinig ng kaso ni Filipina sa pag-akusa sa kanya sa pagpatay kay Cumia sa darating na Hunyo ng bigla itong pinatay.

“Ang tindi ng mga pangyayari sa aming lugar. Pati ang mga taong walang kinalaman sa mga nangyari ay dinadamay na nila. Talagang inuubos nila ang aming lahi. Hindi ata sila titigil hangga’t may nabubuhay sa aming pamilya,” sabi ni Ising.

SA GANANG AMIN habang tumatagal ang kasong ito mas lalong nagiging magulo at madugo ang labanan. Hindi titigil ang magkabilang kampo sa umano’y paghihiganti sa bawat isa hanggat merong natitirang taong nakatayo sa kanilang balwarte. Kayo lamang ang makalulutas ng matinding away na ito.

PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tina­tawagan namin ang pamilya ni Numeriano Caraeg sa layong marinig ang kanilang panig at baka sakali na rin maaring may mamagitan katulad ni DOJ SEC. Raul Gonzalez para matigil ang karahasan at patayan. (KINALAP NI DEN VIAÑA)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

NAIS KONG PASALAMATAN ang mga taga PLDT na umayos ng aking DSL kahit linggo upang maipasa ko ang kolum na ito. Si Weng Alfaro, Odie at Egay Santos at si Michael Elazegui. Mabuhay kayo dyan sa PLDT San Vicente Exchange Center.

Email: [email protected]

BATANGAS CITY

DANTE

ISING

KANILANG

PARA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with