^

PSN Opinyon

Admin takot sa America

SAPOL - Jarius Bondoc -

KAKAIBA ang reaksiyon ng Malacañang sa huling alingasngas sa Armed Forces. Kabibisto pa lang ng isang kapitana sa Navy na dinispalko umano ng kanyang heneral ang P40 milyon para sa RP-US Balikatan exercises, hinikayat siya agad ng presidential spokesman na maghabla. Nangako pa ito na hindi makikialam ang Palasyo sa binabalak na Senate inquiry. Dati-rati kung may whistleblower na nagsiwalat ng anomalya, nagkakandarapa agad ang mga “bumbero” ng admin na patayin ang “sunog”. Sisiraang “inggit lang” kuno ang exposer, at ipagtitigasang walang katiwalian. Pero kabaliktaran ngayon sa kaso ni Lt.-SG Nancy Gadian. Pinaiimbestigahan ng Malacañang ang scam sa Dept. of National Defense, na atubili nu’ng una dahil nasa­sakdal rin si Gadian. Nanindigan pa si Spokeswoman Lorelie Fajardo na tutulungan si Gadian, para mapa­rusahan daw ang maysala.

Kaya mabilis ang paghingi ng admin ng hustisya ay dahil pera ng America ang sangkot dito. Magagalit ang Washington kung mabatid na ninakaw nga ang pera nila pero hindi itinuwid ng Malacañang ang gusot. Baka bawiin pa ng America ang suporta kay Gloria Macapagal Arroyo; tiyak na kokolapso siyang parang deck ng baraha.

Nakita na natin kung gaano kaamo sa Kano ang admin. Sa kaso ni US Marine Lance Cpl. Daniel Smith, isinuko nito ang sobereniya’t dangal ng Pilipinas. Hina­tulan ng korte si Smith ng paggahasa kay Nicole, pero isinuko siya ng Malacañang sa US embassy. Doon siya idinetene habang inaapela ang kaso, imbis na sa Bilibid. Pero tahimik ngayon ang Pa­lasyo sa bagong usapin ng paggahasa muli ng isang US Marine sa Pilipina sa Makati.

Nakita rin natin ang di-pangkaraniwang sigla ng Malacañang na maipaku­long si dating AFP comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia. Kasi misis na mismo niya ang umamin sa sulat-kamay na lihim na gina­gasta nila para sa sariling kapakanan ang military aid mula sa ibang bansa. E nu’ng panahong ‘yon, 2004, America lang ang nagbi­bigay ng military aid sa Pili­pinas. Kaya hayun, ipina­kulong siya agad, pero hanggang nga­yon walang kaso ang ibang mga tiwa­ling heneral sa AFP at PNP.

ARMED FORCES

CARLOS GARCIA

DANIEL SMITH

GADIAN

GLORIA MACAPAGAL ARROYO

KAYA

MALACA

MARINE LANCE CPL

NAKITA

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with