SIGAW ni Education Secretary Jesli Lapus: “No del… eheste deal.”
Tungkol ito sa umano’y mababang kalidad na noodles para sa feeding program ng DepEd na hindi pa pala napo-produce at wala pa ring saradong kontrata. Dahil sensitibong isyu ito na naging paksa pa ng editorial natin kamakailan, patas lang na dinggin natin ang panig ni Lapus. Fair play wika nga.
Pulos na lang anomalya sa overpricing, double insertion, etc… ang naririnig natin. Ilang araw nang mainit na isyu ang akusasyon sa “overpriced noodles” sa ilalim ng Food for School Program ng Department of Education (DepEd).
Kagagaling lang sa España ni Education Secretary Lapus para sa isang opisyal na pagdalaw ay ito ang sandamukal na problemang sumalubong sa kanya. Natungo si Lapus sa España kaugnay ng planong pagtuturo ng Spanish language sa mga high school students.
Ang unang order of the day sa pagbabalik ni Lapus, “tigil muna” ang pag-aaward ng noodle contract. Bumuo ng probe panel si Lapus para masusing siyasatin ang usapin. Hindi kasi pwedeng dedmahin ni Lapus ang isyu dahil pangalan niya ang nakataya. Sa investigating panel, kasama sina DepEd Undersecretaries Ramon Bacani at Vilma Labrador at Asst. Sec. Thelma Santos. Makakatulong nila ang ilang indipendiyenteng experts na si Lapus mismo ang humirang.
Ang “whistle blower” dito ay si Dennis Quido ng Kolonwel Marketing, Inc. Ngunit ayon kay Usec Teodoro Sangil ng DepEd” “Ano’ng batayan ni Quido sa akusasyon gayung wala pang ina-award na kontrata ang DepEd at ni hindi pa pino-produce ang sinasabing palpak na noodles.”
Ang sabi ni Quido, ba tay sa pagsusuri na isinagawa sa Vietnam, Malaysia, Hongkong at Korea, substandard daw ang inorder na noodles ng DepEd. Kaya nagtataka daw ang DepEd kung paanong sinuri ang produktong non-existent pa. Saka mayroon naman tayong sariling Bureau of Food and Drugs (BFAD) na puwedeng gumawa ng pagsusuri, bakit sa abroad pa gagawin ito? At kung sa lumang stock hinugot ito, bakit ganoon eh stock para sa taong ito ang pinag-uusapan? Kaya tanong ng barbero kong si Mang Gustin” Sino ang sinungaling? Ay naku! Nakakaturete ang mga kabi-kabilang akusasyon ngayon. Kaya walang asenso ang bansa eh.
Overpricing din ang inaakusa sa DepEd at ito naman ang paliwanag ng departamento. Mula P6 hanggang P8 ang halaga ng ordinaryong pakete ng noodles na may timbang na mula 50 hanggang 65 gramo lamang. Ngunit ang ginagamit ng DepEd na fortified noodles ay may timbang na 100 gramo na puwedeng 2 servings kaya ang halaga ay P18 na tataas pa dahil sa delivery cost sa buong bansa na may 376 school districts na ang karamihan ay sa Mindanao pa. Ah, kaya pala umaabot ng P22.
Iginiit pa ng DepEd na talagang higit na masustansya ang kanilang noodles na tumutugon sa standard na itinakda ng Food and Nutrition Research Institute at Dept. of Science and Technology.
Iyan po (in fairness) ang paglilinaw ng DepEd sa issue. Tayo naman ay walang pinapanigan at gusto lang maiharap ang magkabilang isyu para bayan na mismo ang humusga.