Wala pang pumapasang kompanya na magsasagawa ng automated elections sa darating na taon. Umuusad ang Cha-cha. Nagsabi na rin si Chairman Jose Melo ng Comelec na baka wala raw eleksiyon sa 2010 kung hindi mapapatupad ang automated elections. Baka naman ganun talaga ang plano ng administrasyon! Pero kung may magtataob na sa atin bilang isang bansa, iyan ang hindi pagganap ng eleksiyon sa 2010. Hindi ko maisip kung anong klaseng gulo ang mangyayari kapag hindi natupad ang eleksiyon.
Ang katunayan ay takam na takam na ang taumbayan para sa darating na eleksiyon. Binibilang na nga ang mga araw na natitira bago siya bumaba sa puwesto. Iyan na kasi ang tanging paraan para makakuha ng pagbabago, matapos ang siyam na taong pagkadismaya sa administrasyong Arroyo. Ilang impeachment ang ibinasura ng mga kaalyado ni Arroyo. Kaya eleksiyon na lang ang tanging paraan. Kung hindi magaganap ito, buong bansa ang sasabog! Ni hindi pa natin alam kung sino ang lilitaw na pinuno ng bansa kung mangyayari ito.
Kaya ngayon pa lang ay marami na ang nagbababala. Mga nasa kaliwa, nasa kanan, nasa gitna. Wala sa interes ng bansa ang magpatuloy ng kahit isang segundo pa ang administrasyong ito. Sino pa ba ang matutuwa sa patung-patong na anomalya na hanggang ngayon ay patuloy pa rin? Ni wala pa ngang nakakasuhan o nakukulong para sa mga nalantad nang anomalya, nandyan naman ang “gintong noodles” ng DepEd, at ang “Balikatang binulsa” ng AFP. Mga panibagong lumilitaw na anomalya na kailangang imbestigahan na rin!
Tungkulin ng isang demokratikong bansa ang magkaroon ng malinis at mapayapang eleksyon. At karapatan ng mamamayan nito ang makilahok sa ehersisyong ito. Anim na taon nang hinihintay ito. Anim na taon nang nagtiis ang taumbayan. Anim na taon nang gutom ang mamamayan para sa pagbabago. Hindi dapat nagpaparamdam ang gobyerno na hindi matutuloy ang halalan, kahit haka-haka o spekulasyon lang. Seryoso ang tao para sa bagong liderato. Gutom na gutom na ang bansa para sa tunay na demokrasya. Mahirap nang galitin ang gutom.