Turismo, tugon sa kawalan ng empleyo
AYON sa latest survey ng SWS, dumarami na naman ang bilang ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa global financial crisis. Malungkot na balita pero tumingin tayo sa positibo imbes na magmukmok sa isang sulok.
Buti na lang at nakatutok ang gobyerno sa pagpapasigla ng turismo dahil naririyan ang trabaho. Batay sa report ng Department of Tourism (DOT) patuloy ang pagdami ng mga prospect sa tourism related jobs. Ito umano ay base sa bilang ng mga kumpanya o employer na sumasali sa nalalapit na job fair ng DOT.
Mayroon nang 270 employers ang nagpatala sa DOT para lumahok sa Trabaho sa Turismo (TST) Manila 2009. Kabilang na rito ang Philippine Airlines na mangangalap ng mga aplikante sa TST Manila sa kauna-unahang pagkakataon.
Ang bilang na 270 employer, ayon kay Tourism Secretary Ace Durano, ay mas mataas ng 54.3 porsyento sa bilang noong nakaraang taon na 175.
“Ang pagdami ng mga employer na sumasali sa TST ay nangangahulugan din ng pagdami ng mga trabaho para sa mga aplikante na dadalo sa TST Manila 2009 sa SMX Convention Center sa Mayo 22 hanggang 23,” ani Durano.
Positibong balita iyan. May 1,700 hotel rooms na nakatakdang buksan sa Maynila sa taong ito at may dalawang libong iba pa sa maraming panig ng bansa.
“Nakatutok ang DOT sa P550-bilyong expansion projects ng iba’t-ibang investors. Katumbas ito ng 7,000 na bagong mga hotel and resort rooms,” na nangangahulugan ng karagdagang staff.
Salamat sa masigasig na investment promotion, ng DOT. Kasama riyan ang paglikha ng mga bagong produkto sa turismo, paglilinang sa mga bagong foreign market o market segment, paggawa ng mga bagong infrastraktura, at ang patuloy na pagsigla ng domestic tourism at pagdagsa ng mga dayuhang turista simula pa noong 2004, at maging hanggang 2008 sa kabila ng pagbagsak ng ekonomiya ng Amerika noong nakaraang taon na naghatid ng kasalukuyang krisis sa buong mundo.
Ang mga bagong graduate at maging ang mga natanggal sa trabaho ay maaaring mag-apply sa TST Manila sa pamamagitan ng pagrerehistro sa www.jobsdb.com.ph. Diyan ay gagawa sila ng sarili nilang online resume o mag-aattach ng word document file ng kanilang resume. Pagkatapos magrehistro, kailangan nilang dumalo sa TST Manila sa SMX sa Mayo 22-23.
Wika nga ni Durano: “Pag malakas ang turismo, marami ang trabaho!”
“Gayunpaman, ang bilang ng mga dayuhang turista na bumisita sa Pilipinas noong 2008 ay luma-ki pa rin at umabot ng 3.14 milyon mula sa 3.09 milyon noong 2007. Kaya tayo ay lalong nagsusumikap na mapanatili ang pagdagsa ng turista sa pamamagitan ng isang malawakang product diversification and market expansion strategies,” sabi ni Durano.
Ang TST Manila 2009 ay ang pang-apat na taunang job fair na isinasagawa ng DOT upang matulungan ang industriya na matugunan ang kanyang mga skills requirement sa gitna ng tumataas na standard ng global competitiveness.
Ang TST 2009 ay idaraos sa Maynila matapos ang matagumpay na pagsasagawa nito noong nakaraang Marso sa Cebu, kung saan 8,598 na trabaho ang inia-lok ng 131 na employer sa kabuuang 8,404 na aplikante mula sa Visayas at Mindanao.
- Latest
- Trending