Atrasado umuwi ang lalaki mula trabaho, pagod, at iritado nang makitang naghihintay ang limang-taong gulang na anak sa may pintuan.
“Tay, may tanong po ako sa iyo,” bungad agad ng bata.
“O sige na, sige na, ano ’yon?” pabugnot na tugon ng ama.
“Tay, magkano po ang kinikita mo sa isang oras?”
“Wala kang pakialam,” pumutok ang ama. “Anong tanong ’yan?”
“Nais ko lang malaman. Sige na, Tay, magkano kita mo isang oras?
“Puwes, kung kailangan mong malaman, P200 ako kada oras,” paangil na sabi ng ama.
“Ay gan’un po ba?” yumuko ang bata at nag-isip sandali. Tapos, ngumiti at nagsabi, “Tay puwede po bang umutang ng P100?”
Nagalit nang labis ang ama: “Kung ang rason na nagtanong ka ng gan’un ay para umutang ng pambili ng kung ano’ng kalokohang laruan, umakyat ka na sa kuwarto mo’t matulog. Pag-isipan mo kung bakit ka nagiging makasarili. Kumakayod ako nang husto araw-araw, tapos ganitong asal lang ang igaganti mo sa akin.”
Tumungo sa kuwarto ang bata; isinara ang pinto. Naupo ang ama sa sala at galit na inisip: “Nagtanong ng bastos para lang pala makahingi ng pera.” Makalipas ang isang oras, huminahon na ang ama, at naisip na baka may importante ngang kailangan bilhin ang bata kaya humihiram ng P100.
Inakyat ng ama ang silid; tinulak ang pinto: “Tulog ka na ba, anak?
“Hindi, Tay, gising pa po ako.”
“Naisip ko lang na baka naging masungit ako sa iyo,” bulong ng ama. “Pagod ako galing sa trabaho. O, heto ’yung P100 na hinihiram mo.”
Napabangon ang bata at dinukot ang ilang peso bills sa ilalim ng kutson. Nang makita ng ama na marami pa itong ibang pera, nagsimula na naman siya kumulo. Pero natigilan siya nang sumigaw ng anak: “Yehey, may P200 na ako. Maari bang bilhin ko ang isang oras mo bukas, Tay? Umuwi ka nang maaga para sabay tayo maghapunan, at magkuwentuhan. Sige na, Tay, isang oras lang. Ako na ang bahala sa kita mo.”