EDITORYAL - H'wag nang tigilan ang Abu Sayyaf
Kailangan palang magbuwis muna ng buhay ang Sulu police commander saka magkakaroon nang puspusang opensiba laban sa mga teroristang Abu Sayyaf. Dahil sa sunud-sunod na pagsalakay ng pulisya sa kuta ng mga teroristang nakapatay kay Senior Supt. Julasirim Kasim, kapatid nito at dalawa pang pulis, tinatayang nasa 25 Abu Sayyaf na ang napapatay. Malaking kabawasan na ito sa mga teroristang marami na ring kinidnap at pinatay. Ayon na-man sa military report kakaunti na lamang ang bilang ng Sayyaf dahil sa sunud-sunod nilang opensiba.
Ang traidor na pagpatay kay Seniot Supt. Kasim at mga kasama nito ay labis na nakagimbal sa mga taga-Sulu. Labis nilang pinanghinayangan ang police official dahil dedikado at masipag sa trabaho. Hindi nila akalain na mga kababayang Muslim din ang papatay kay Kasim at mga kasama. Kaya naman puspusan ang ginagawa ng military at pulis para madakip ang responsable sa pagpatay. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi nagkakaroon ng hustisya si Kasim.
Huwag nang tantanan pa ang mga teroristang may hawak sa nag-iisang kidnap victim na si Eugenio Vagni, isang Italian. Umano’y madalas makita ng mga residente si Vagni na nililipat-lipat ng lugar. Kinidnap si Vagni noong January 2009 at mula noon ay pawang hirap na ang kanyang naranasan sa Abu Sayyaf. Ang dalawang kasama ni Vagni, si Mary Jean Lacaba at isang dayuhan ay nakalaya na. Si Vagni ang nananatiling hawak ng mga terorista. Mag-aapat na buwan nang hawak si Vagni ng Sayyaf.
Naipakita na ng mga pulis at military na kaya nilang pasukin at wasakin ang Sayyaf. Ano pa ang kanilang hinihintay para tuluyan nang wakasan ang mga salot sa Sulu at Basilan? Ito na ang tamang panahon para sila lupigin at huwag nang hayaang makapangalap pa ng mga bagong miyembro.
Kung hindi pa wawakasan ang mga salot, marami pa silang papatayin katulad ng ginawa kay Senior Supt. Kasim. Marami pa silang kikidnapin kagaya ng ginawa sa mga miyembro ng Red Cross. Hindi sila titigil hangga’t hindi naisasakatuparan ang kanilang masamang hangarin. Paghandaan ng military at pulis ang patraidor na pagsalakay ng Sayyaf. Tapusin na sila!
- Latest
- Trending