Walang duda na ang mga pinakasikat na nilalang sa buong mundo nung nakaraang linggo ay ang mga ina dahil Mother’s Day. Sentro ng pansin at pagmamahal ang pinagkakautangan ng buhay ng lahat ng tao kaya hindi naman kataka-taka na ipagdiwang sa araw na ito ang pagpupugay sa lahat ng mga ina.
Nakita ko kung paano ipagdiwang ang Mother’ Day sa tatlong states dito dahil natapat ang business trip ko sa mga nasabing lugar sa weekend ng espesyal na araw na ito. Bisperas pa nga lamang ay selebrasyon na kaagad. Talagang namang halatang-halata na pinaghandaan ang Mother’ Day.
Naging busy tuloy ang international telephone connections dahil sa mga tawag na ginawa ng mga anak at mga miyembro ng pamilya ng mga ito sa kanilang ina na nasa Pilipinas o kaya ang mga ina na narito sa US. Lahat ng mga shopping centers at malls ay punum puno ng dekorasyon ng mga bulaklak. Matagal din ang offer ng bargain sale at special prices sa mga lugar na ito. Siyempre naman, para sa mga nanay natin ang araw na ito kaya’t kailangang todo ang pagsasaya ang dapat nating ibigay sa ating mga ina. Naobserbahan ko rin na kahit na nawala na ang kanilang ina sa mundong ito ay naalaala pa rin ng mga anak na akala mo ay nabubuhay pa.
Nahawa ako sa mga ito dahil sa wala na rin ang aking ina. Kung tutuusin, talaga ngang hindi natin dapat makalimutan ang ating mga ina. Kalabisan nang sabihin kung papaano sila nagpakahirap upang mapalaki at arugain tayo. Walang makapapantay sa ating mga ina.