Payo ng huwes kay Defensor
Huwes na mismo ang nagpayo kay Mike Defensor na makipagbati na lang kay ZTE scam whistleblower Jun Lozada. Ani Manila Judge Jorge Lorredo, maiiwasan ni Defensor lumala ang problema kung iatras na lang niya ang demandang perjury, tungkol sa mga kaganapan sa ZTE deal, laban sa dating kaibigang Lozada. Kasi kung hindi, maraming maari iliko ang kaso na hindi kayang kontrolin ni Defensor. Halimbawa:
• Maaring ipatawag ni Lozada sina President Gloria Macapagal Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo bilang hostile witnesses, dahil mga matalik na kaibigan ni Defensor ang dalawang isinangkot niya (Lozada) sa ZTE scam. Bilang patas na huwes, ani Lorredo, hindi siya mag-aatubiling pagbigyan ang akusadong Lozada. Malalagay sa alanganin ang First Couple na amo ni Defensor, lalo na kung maseselang tanong ang ipukol na mga abogado ni Lozada.
• At kung hindi naman sumipot sa takdang hearing ang First Couple, ani Lorredo, hindi rin siya mag-aatubiling maglabas ng arrest warrant sa dalawa. Malaking kahihiyan ito.
• At huwag makampante si Defensor na hindi ise-serve ng PNP ang warrant. Kasi, ani Lorredo, may kapangyarihan siyang mag-deputize ng ibang opisyal para gawin ito. Tinukoy ng huwes ang ilang lider oposisyon: sina Manila Mayor Fred Lim, at Se nador Ping Lacson at Antonio Trillanes. “Maari silang manghuli, mamposas, at magkulong.”
Nang mabalitaan ni dating Senate President Frank Drilon ang payo ni Lorredo, pinanigan niya agad ito, Binalaan niya si Defensor, na kalabang paksiyon sa Liberal Party, na maari ring ipa-subpoena sina Ben Abalos at Romy Neri sa korte. Kasama sina Gloria at Mike Arroyo, maari na silang usisain tungkol sa $329-milyong overpriced ZTE deal at ang pagtatakip nito. “Yung hindi nagawang pagdinig ng Senado sa naging papel ng mga Arroyo sa katiwalian ay sa korte sa Manila maaring lumabas,” ani Drilon.
Nakabibinging katahimikan ang tugon ni Defensor sa dalawa.
- Latest
- Trending