WALANG ipinagkaiba sa Metro Manila kung ang pagbaha ang pag-uusapan. Wala na yatang pag-asa pang masosolusyunan ang pagbaha na panahon pa ng kopong-kopong nararanasan ng mamamayan. Walang pagbabago at bagkus ay lalo pang tumitindi ang pagbaha sapagkat saglit lang umulan ay apaw na kaagad ang mga kalye at wala nang makadaang sasakyan. Maitatanong kung dapat nga bang paniwalaan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa inaanunsiyo nilang hindi na magbabaha sa Metro Manila. Tila mahirap na silang paniwalaan sa pagkakataong ito.
Noong Huwebes ay umulan dahil sa bagyong Emong. Signal number 1 sa Metro Manila at iba pang karatig na lugar. Kung tutuusin ay hindi naman gaanong kalakasan at mabilis namang nawala agad ang ulan. Subalit sa kabila na mahina at mabilis na nawala ang ulan, ganoon din naman kabilis na nagkaroon ng pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila partikular ang Maynila, Quezon City, Pasay at iba pa.
Ang España, Dimasalang sa Sampaloc at ang Abenida sa Sta. Cruz, Maynila ay agad umapaw sa baha kaya hindi madaanan ng mga sasakyan. At matagal pa bago tuluyang nawala ang baha. Sa Quezon City ay ganundin ang sitwasyon. Maraming bahagi sa Balintawak area at may bahaging EDSA ang nagbaha. Sa Pasay, agad na bumaha sa may bahaging Tramo at ganundin sa may Malibay.
Sabi ng MMDA, hindi na raw mararanasan ang baha sa Metro Manila sapagkat nilinis na nila ang mga estero at imburnal. Abala raw masyado ang kanilang flood control team sa paglilinis ng waterways. Subalit ano itong nararanasan na sandaling pag-ulan ay apaw na ang kalsada at hindi na madaanan.
Nakikita namin na hindi ganap ang ginagawang paglilinis ng MMDA flood control. Hindi ganap ang kanilang pagtatrabaho sa kabila na P5 bilyon ang pondo para sa flood control. Sabi ni Sen. Francis Escudero, na sa kabila na may malaking pondo ay nananatili pa rin ang problemang pagbaha. Hindi raw dapat ang nangyayaring ito.