^

PSN Opinyon

'Misteryo sa sementeryo'

- Tony Calvento -

“Hindi nagpakamatay ang anak ko.... Pinatay siya. Hindi ako naniniwala na nagbigti siya!”

Iyan ang mariing pahayag ng isang ginang na dumulog sa aming tanggapan. Siya si Esterlita “Pearly” Cuevas, 46 taong gulang at nakatira sa Sta. Cruz, Antipolo City.

Ang anak niyang si Jonardo “Jonard” Cuevas, 14 na taong gulang ay namatay nung Marso 12, 2009 sa isang dahilan na hindi raw katanggap-tanggap.

Si Jonard ay pangalawa sa 4 na anak nina Pearly at asawa nitong si Bernardo Cuevas Sr.

“Naging mabait na anak si Jonard sa aming mag-asawa. Naiintindihan niya ang kalagayan namin kaya naman tinutulungan niya kami sa paghahanapbuhay,” ayon kay Pearly

Pagkagaling raw ni Jonard sa eskwelahan tumutulong rin ito sa gawaing bahay. Minsan raw kapag madaling-araw na umuuwi si Pearly galing sa pagtitinda ay sinasalubong siya ng anak upang bitbitin ang mga gulay na hindi nabenta.

Kahit abala raw si Jonard sa pagtulong at pag-aaral, may panahon pa rin naman ito para sa kanyang sarili. Tulad raw ng ibang bata mahilig rin ito maglaro.

“Maraming nagsasabi na magaling raw na ‘basketball player’ ang anak ko. Kaya madalas isinasali siya sa mga ‘inter-barangay’. Tuwing Sabado at Linggo nag-eensayo sila ng kanyang mga kaibigan,” sabi ni Pearly.

May mga pagkakataon na hindi raw nila pinapayagan si Jonard na mag-basketball at ito raw ang madalas na nagiging dahilan ng pagtatampo nito sa kanilang mag-asawa.

Ayon kay Pearly hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng aksidente sa mga ganitong klaseng laro kaya hindi rin sila masisisi kung minsan ay pagbabawalan nila ang kanilang anak.

Marso 12, 2009 alas singko ng umaga ay dumating raw si Pearly sa kanilang bahay mula sa Divisoria at sinalubong raw siya ni Jonard upang tulungan sa mga bitbit niyang paninda.

Si Jonard rin ang nagpaligo, nagpakain at nagbihis sa bunso nitong kapatid na papasok na sa eskwelahan. Pagkatapos niya itong asikasuhin ay hinatid niya ang kapatid sa Bagong Nayon II Elemantary School.

Pagbalik raw nito ay tumulong na siya sa pagtitinda at nagpaalam kay Pearly na hindi raw muna siya papasok nung araw na yun. Wala naman raw gagawin dahil tapos na umano ang ‘exam’ nila.

“Alas onse ng umaga umalis ako papuntang Balintawak at pagbalik ko nung alas tres nagpaalam siya sa akin na maglalaro raw siya ng basketball. Hindi ako pumayag pero tumuloy pa rin siya kaya wala na akong nagawa,” kwento ni Pearly.

Sinabi raw yun ni Pearly sa kanyang asawa kaya pinagsabihan umano nito si Jonard. Alas siyete na raw ng gabi nang makabalik si Jonard sa kanila. Matapos siya pagsabihan ng ama ay “bumawi” raw ito at tumulong sa pag-iigib at pagliligpit ng mga kalat sa kanilang bahay.

Sabay sabay raw sila kumain ng hapunan at nagpahinga. Habang nanonood raw sila ng TV ay pinuntahan umano si Jonard ng kanyang mga kaibigan na si Jay-ar at Angie.

Inaya raw nila si Jonard na pumunta sa bagong bukas na peryahan malapit sa palengke ng Pagray, Antipolo. Ilang gabi na raw pumupunta dun si Jonard at naglalaro raw ang mga ito ng ‘color game’.

Kadalasan raw ay isang oras lang nawawala si Jonard pero nung gabing yun halos dalawang oras na ang nakakalipas wala pa rin ito. Kaya naman dito na nagsimulang mag-alala si Pearly.

“Pasado alas onse na nung dumating si Jay-ar at Angie. Sabi nila sa akin naiwan raw si Jonard sa Heaven’s Gate Cemetery. Napagtripan raw kasi sila ng mga tambay kaya hinabol sila ng mga ito. Nahiwalay raw silang dalawa kay Jonard,” salaysay ni Pearly.

Si Jay-ar at Angie raw nakatakas sa mga humahabol sa kanila at dumiretso ng takbo habang si Jonard raw ay lumiko papasok sa sementeryo.

Nagpasama raw si Pearly sa tatlong kaibigan ng anak at agad nilang pinuntahan ang kinaroroonan ni Jonard. Halos sampung minuto raw ang biyahe mula sa kanila papuntang sementeryo.

Pagdating raw nila dun ay hinarang sila ng gwardiya na hindi niya nakilala. Sarado na raw ang sementeryo at hindi raw sila pwedeng pumasok dahil yun raw ay pribadong lugar.

Ipinaliwanag ni Pearly ang nangyari sa kanyang anak pero hindi siya pinakinggan nito. Ayon pa umano dito ay maghintay na lang raw sila sa kalsada at lalabas naman raw si Jonard.

Hindi pa rin tumigil si Pearly kaya humanap sila ng ibang paraan upang makapasok sa Heaven’s Gate. Umikot sila para maghanap kung may iba pang maaaring daanan papasok sa sementeryo pero sila’y nabigo. Sinilip nila ang loob pero hindi nila nakita dun si Jonard.

Muli silang nakiusap sa gwardiya pero tulad ng una hindi pa rin sila pinayagan. Alas dose ng gabi na sila tumigil sa paghahanap kay Jonard at umuwi na lang ang mga ito.

“Ipinagdasal ko na lang na wala sanang nangyaring masama sa anak ko. Delikado kasi sa lugar na yun lalo na hating-gabi, maraming pwedeng mangyari sa isang liblib at madilim na lugar,” saad ni Pearly.

Pagdating niya sa kanilang bahay ay sinabi ito ni Pearly sa kanyang asawa. Hindi raw sila nakatulog dahil sa paghihintay kay Jonard. Hanggang sumapit ang alas siyete ng umaga at nakarating sa kanila ang masamang balita.

Habang bumibili raw si Bernardo ng tinapay ay narinig niya ang mga tao na nag-uusap tungkol sa isang batang lalaki na natagpuang patay sa sementeryo. Inisip kaagad ni Bernardo na maaaring si Jonard ito kaya pinuntahan niya kaagad ang lugar.

Pagdating niya sa Heaven’s Gate nakita niya ang patay na katawan ng kanyang anak. Nakatayo ito habang nakapulupot sa kanyang leeg ang isang ‘funeral ribbon’ na nakatali naman sa poste. Wala siyang suot na t-shirt at basa ang shorts nito.

Hindi umano pinayagan ng mga imbestigador na lumapit si Bernardo sa bangkay ng kanyang anak dahil maaari raw ito makaapekto sa imbestigasyon. Umuwi na lang raw ito at ibinalita sa asawa ang kanyang nakita.

“Gusto kong magwala nung nalaman ko ang nangyari kay Jonard. Inisip ko kung pinayagan lang kami ng gwardiya na pumasok sa sementeryo para hanapin ang anak ko hindi sana ito nangyari sa kanya,” sabi ni Pearly.

Pumunta si Pearly sa sementeryo at kinausap siya ng mga imbestigador. Ikinwento niya ang buong pangyayari at kanyang itinuro ang ‘security gurad’ na nakaduty nung gabing yun pero itinanggi naman ito ng gwardiya.

Dinala ang bangkay ni Jonard sa Tandog Memorial at inautopsy rin ito. Ayon sa Medico Legal Report na ginawa ni Police Superintendent Emmanuel L. Aranas, nakitaan raw ng “Ligature mark, neck, measuring 23x0.7 cm with points of suspension behind and below the right ear. The lining epithelium of larynx and trachea is markedly congested with petechial hemorrhages.” Ang ‘cause of death’ raw nito ay ‘Asphyxia by Hanging’.

May ilang nagsasabi na si Jonard raw ay nagpakamatay dahil napagalitan umano ito ng kanyang mga magulang pero mariin itong itinanggi ni Pearly.

“Hindi ako naniniwala na nagpakamatay ang anak ko, sigurado ako na may gumawa nito sa kanya. Ipinagtataka lang namin kung magbibigti ito hindi ba dapat naka bitin ang kanyang katawan? Pero yung sa anak ko nakalapat yung paa niya sa semento. Sigurado po ako na may kapabayaan na nangyari. Sana po matulungan n’yo ako na lumabas ang katotohanan,” panawagan ni Pearly.

Binigyan namin siya ng referral kay P/Supt Dioscoro L. Maata ang Chief of Police ng Antipolo City upang magsagawa ng mas maayos na imbestigasyon. Nakausap naming ang kanyang Deputy na si Chief Inspector Ricado Morada at pinapunta niya ang ina ng biktima. Nangako din ito na aasikasuhin niya ang pag-iimbestiga sa insidenteng ito upang malaman kung may “foul play” na nangyari sa pagkamatay ni Jonard. (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email: [email protected]


ANAK

ANGIE

JONARD

PEARLY

RAW

SILA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with