KASO ito ng mga nars na sina Mila at Rina. Nag-umpisa silang magtrabaho sa isang klinika sa loob ng isang resort hotel mula 1996 at 1999. Ang mga serbisyo nila ay binabayaran ng doktor na kakontrata ng hotel. May MOA ang hotel at ang doktor na babayaran ang huli ng P70,000 kada buwan pati 70% ng service charge ng mga bisita ng hotel na gagamit sa mga pasilidad ng klinika. Mula sa binabayaran sa doktor ay kinukuha naman ang suweldo, SSS, at iba pang benepisyo ng mga tauhan ng klinika pati buwis (VAT/withholding tax) at insurance. Ang doktor ang bahalang kumuha ng mga nars at iba pang tauhan ng klinika.
Nang si Dr. Pita na ang naging doktor ng hotel, hinayaan niyang manatiling nars sa klinika sina Mila at Rina. Ito ay sa pakiusap na rin ng dalawa. Sinusunod nila ang oras ng trabaho ng klinika at ang serbisyo nila ay nakalaan lamang sa mga bisita at empleyado ng hotel. Kapag maraming bisita, kumukuha si Dr. Pita ng iba pang nars na tutulong sa dalawa. Ang nagiging suweldo ng karagdagang tauhan ng klinika ay base na rin sa rekomendasyon ng hotel mula sa sinisingil ni Dr. Pita kada buwan.
Noong 2002, nagreklamo sa NLRC sina Mila at Rina. Ayon sa kanila, dapat silang gawing regular na empleyado ng hotel, bayaran ng tamang suweldo, night differential at 13th month. Kinasuhan nila ang hotel at si Dr. Pita alinsunod sa batas (Art. 157 Labor Code). Kailangan daw kasi na kumuha ng nars ng hotel bukod pa sa doktor kaya’t dapat ituring na empleyado sila nito kahit pa taliwas ito sa nilalaman ng MOA. Tama ba sina Mila at Rina?
MALI. Hindi naman kailangang ayon sa Art. 157 ng Labor Code na kumuha ng isang full time at regular na nars ang isang kompanyang may 50 hanggang hindi hihigit sa 200 empleyado. Katulad naman sa hotel na may higit 200 empleyado, kailangan nitong kumuha ng isang full time nars, isang full time na doktor at isang dentista na nakatalaga sa isang klinika ng kompanya. Ang mga serbisyo nila ay nakalaan para sa mga empleyado ng kompanya. Hindi kailangang gawin silang regular na empleyado ng kompanya.
Hindi dapat paghaluin nina Mila at Rina ang isinasaad sa Art. 157 at sa Art. 280 ng Labor Code. Kahit pa kailangan ng kompanya ang serbisyo ng isang tinatawag na “full-time nurse”, ibig sabihin lang nito ang uri ng gawain bilang nars at hindi ang paghirang sa kanya bilang empleyado ng kom panya ang lahat ng aktibidades na hinihingi ng kanyang tungkulin. Walang binanggit sa batas na kailangan din silang gawing empleyado ng kompanya (Escasinas and Singco vs. Shangri-La’s Mactan Island Resort and Pepito, G.R. 178827, March 4, 2009).