Provincial director o personal director?
PROBLEMADO raw ang mga kabayan natin diyan sa Cavite. Mantakin mo na pati religious sectors ay gustong magpuwesto nang kani-kanilang manok bilang provincial director ng Philippine National Police (PNP).
Sey nga ng barbero kong si Mang Gustin, “baka hindi provincial director” ang maipuwesto kundi personal director?”
Oo nga naman. Kapag dumiskarte ang mga influential sectors, siyempre may ulterior motive. Dahil sa “powerplay” na iyan, nagkakalituhan kung sino ang iluluklok sa puwesto. Grabe naman.
For example, ang gusto raw ipuwesto ni Bro. Mike Velarde ng El Shaddai ay si S/Supt. Ronald Estilles, habang si DILG Sec. Ronaldo Puno ay si Hawthorne Binag ang itinutulak.
Normally, may karapatang pumili ang gobernador ng lalawigan at ang personal choice ni Gob. Ayong Maliksi ay si S/Supt. Alfred Corpus. And of course, si PNP Chief Jesus Versoza naman ay si S/Supt. Jonathan Miano na kasanggang-dikit niya sa scuba diving ang type niya. Samantala, si Region 4-A Director, C/Supt. Perfecto Palad ay si S/Supt. Edgar Danao ang “manok.”
Pero marami raw naiirita kay S/Supt. Diosdado Ramos na isang aspirante sa pagka-provincial director. Ipinangangalandakan daw na Iglesia ni Cristo ang backer. Dahil diyan, kampante raw siya na mapupuwesto sa Cavite. Ewan ko lang. Kasi may mga nasibak sa Customs dahil sa pagkaladkad sa pangalan ng Iglesia. Si Supremong Ka Erdi mismo ang nagpasibak. Wait and see tayo.
Maraming nagtatanong: Bakit daw nagpupumilit si Ramos sa Cavite samantala ay sa Bulacan s’ya dapat ipupuwesto. “Baka malakas ang backer” sabat ni Mang Gustin.
Kakatwa na sumasawsaw pati si Mike Velarde sa isyu nang pagpili ng provincial director. Ayon sa DILG hindi raw puwede mapuwesto ang napipisil ni Maliksi na si Corpus dahil masyadong Junior. Ngunit ang tanong ng marami: Bakit si Binag na ka-batch ni Corpus na isa sana sa mga kandidato sa Cavite ay ipinuwesto nyo kaagad sa Quezon Province bilang PD nung malaman n’yong hindi kursunada ni Gob. Maliksi?
Pabayaan na lang sana ang pamunuan ng PNP at lokal na pamahalaan ng Cavite ang magdesisyon kung sino ang dapat mapuwesto hindi yung pati relihiyon ay sasawsaw pa.
- Latest
- Trending