EDITORYAL - Mas inuna pa ang laban ni Pacman
HINDI natuloy ang session sa House of Representatives noong Lunes dahil sa kakulangan ng qourum. Maraming absent na House members — nasa 70 ang nasa ibang bansa kaya minabuti na lamang na ipagpaliban ang session. Ang present na mambabatas ay 131 lamang gayung ang quorum ay dapat 134. Ang bilang ng mga mambabatas sa kasalukuyan ay 266, naidagdag na rito ang 28 miyembro ng party list representatives kamakailan. Kung kailan makakadalo ang 70 mambabatas na absent ay walang nakaaalam. Depende sa gagawin sa kanilang pag-quarantine ng health authorities dahil sa posibleng pagkakaroon ng swine flu virus.
Inuna pa kasing manood ng may 50 mambabatas, kasama si House Speaker Prospero Nograles ng laban ni boxing champ Manny Pacquiao sa Las Vegas. Ngayon ang apektado ay ang taumbayan na umaasang sa ipapasang batas ng kanilang mga inihalal, sila ay makikinabang. Malaking kabiguan ito sa mamamayang nagpapasuweldo sa mga mambabatas. Bukod sa 50 mambabatas na nasa Las Vegas, 20 mambabatas pa ang kasama naman ni President Arroyo sa pagbisita sa Egypt at Syria. Pawang paggastos sa salapi ng bayan ang namamayani dahil sa madalas na pagbisita sa mga bansa. Ewan nga lang may napapakinabang ang taumbayan sa mga pagbisitang ginagawa. Makakuha nga kaya ng investors ang Arroyo administration sa ginagawang pagbisita at makalikha ng trabaho. Sana naman. Sa kasalukuyan, problema ng bansa ang unemployment.
Maaari namang hindi na magtungo sa Las Vegas ang grupo ni Nograles at dito na lamang panoorin ang laban pero sabi ng House Speaker, wala raw siyang pinalalampas na laban ni Pacquiao. “Pride ng Mindanao” umano si Pacman kaya naman kinokonsidera niya ang sarili na kasama sa Team Pacquaio. Taga-Davao si Nograles. Mariin din niyang sinabi na sarili niyang pera ang ginastos patungo sa Las Vegas.
Ngayon ay ang taumbayan na ang naaagrabyado sapagkat wala pa sila para magpasa ng mga batas. Walang napapakinabang sa mga hinalal ng taumbayan.
- Latest
- Trending