GINUGULO ng Arroyo officials ang isyu ng pagkulong kay NBN-ZTE scam whistleblower Jun Lozada. Kesyo, ani Justice Sec. Raul Gonzalez, wala kunong pakialam ang admin sa pag-aresto kay Lozada sa kasong perjury dahil si datihang presidential chief of staff Mike Defensor ang naghabla. At kesyo, dagdag ni Malacañang spokesman Anthony Golez, ipinapatupad lang ng pulisya ang arrest warrant ng independent court.
Kasing-bulaan ni Defensor ang dalawa. Papanong hindi ituturing na panggigipit ng Arroyo admin ang habla, e opisyal si Defensor nito bilang chairman ng Philippine National Railways at special presidential adviser? At papanong ikakatuwirang sumusunod lang sila sa korte, e sa mas malaking isyu ay sinusuway ng Malacañang ang korte? Pinigilan ni Executive Sec. ang DILG na ipatupad ang utos ng Sandiganbayan na suspindihin nang tatlong buwan ang mayor ng Rodriguez, Rizal, habang nililitis sa graft.
Ito ang buod ng isyu kay Lozada: Mula nang ibunyag niya ang overpricing sa NBN-ZTE deal, 16 na kaso na ang isinampa laban sa kanya at sa asawa. Pero ni isa man sa mga isinangkot niya sa katiwalian — sina Gloria Arroyo, Mike Arroyo, Romy Neri, Leandro Mendoza, Peter Favila, Benjamin Abalos — ay walang sakdal hanggang ngayon. Miski ang mga nanuhol at gumipit sa kanya para magbulaan sa Senado — sina Defensor, Lito Atienza, Manuel Gaite — ay walang habla. Bukod nga sa kasong perjury ni Defensor kay Lozada, ang asawang si Violet pa ang sinakdal ni Col. Paul Mascariñas ng perjury din. Maaalalang si Mascariñas ang pulis na dumampot kay Loza-da sa airport at “ipinasyal” sa South Expressway.
Ani Defensor nais lang niya linisin ang pangalan alang-alang sa mga anak kaya niya dinemanda si Lozada ng pagbubulaan. Hay’un, inungkat tuloy ni Rep. Teddy Casiño ang mga di-kapani-paniwalang pinagsasabi ni Defensor noon: Ang pagsagip niya kuno kay Senate witness Udong Mahu- say sa Tagaytay, at ang iprinesenta ni-yang pekeng audio expert na nagsabing hindi si Gloria Arroyo ang nasa Hello Garci tape.
At huwag kalimutan ang ilegal na pagpirma niya sa ZTE-Diwalwal deal ng July 2006.