MARAMI sa ating kababayan ang nagkakaroon ng problema hinggil sa lupa at agawan ng mga pribadong pag-aari.
Kadalasan, hukuman lamang ang hantungan ng mga ganitong problema dahil napakahabang proseso at maraming lebel ng pagpapatunay ang dadaanan sa pagitan ng mga tao o kumpanyang nag-aagawan.
Subalit marami rin ang hindi nakaalam kung ano at hanggang saan ang kanilang tunay na ipinaglalaban.
Katulad na lamang ng bangayan at awayan sa pagitan ng developer ng Sanctuaryo de San Fernando Memorial Park at Ramar Homeowners Association sa San Fernando, Pampanga.
Iyong tulay na ipinatayo ng Sanctuaryo de San Fernando ang matatandaang inirereklamo ng mga resi-dente ng Ramar Subdivision sa BITAG.
Iligal nga raw ang pagtatayo ng tulay na ito dahil unang-una, pribado raw ang kanilang subdibisyon at walang pahintulot sa kanila at sa San Fernando City Hall ang pagtatayo ng tulay na nabanggit.
Nanghimasok ang BITAG rito, nang bisitahin namin ang lugar, kasalukuyang ginagawa pa ito subalit wala kaming nakitang anumang paskil na permit sa naturang konstruksiyon.
Nasilip din ng BITAG na gamit ng developer ng Sanctuaryo ang mga cranes at ilang makina ng Department of Public Works and Highways ng Region 3.
Nangako pa noon sa BITAG ang alkalde ng San Fernando Pampanga na magsasagawa ng imbestigasyon sa kasong ito. At kung may nalabag man ay tuluyan niyang ipatitigil ang ginagawang tulay.
Pagkalipas ng dalawang buwan, muling sinilip ng BITAG ang inirereklamong tulay. Hindi na kami nagulat sa aming nakita dahil tapos na ito at lalong pinagaganda pa.
Kaya naman mas matindi ang himutok ng Ramar Homeowners dahil hindi naman raw tinupad ni Mayor ang kaniyang pangako. Ni anino nito at ng kanyang mga tauhan sa City Hall, hindi raw nagpakita sa site.
Sa imbestigasyon ng BITAG, sadyang napakagulo ng kasong ito. Nagtuturuan ang City Engineering’s Office at ang DPWH Region 3 kung sino nga ba ang nagbigay ng permit na itayo ang nasabing tulay.
Samantalang ang Ramar Homeowners, hindi naman makapagbigay ng patunay na sila’y isang pribadong subdivision. Walang guard post at mga guwardiya ang kanilang mga entrance at exit gate sa subdivision.
Kaya naman, maaaring ang mga taga-Pampanga, nakasanayan ng maglabas-masok sa kanilang lugar dahil wala ngang nagbabantay. At ng kalaunan, nagawa nang okupahin ang parte ng kanilang pag-aari.
Kasalukuyang nasa hukuman na ang kasong ito. Nagdemanda ang homeowners laban sa developer ng Santuaryo at laban rin sa pamunuan ng San Fernando Pampanga City Hall.
Ang masaklap, tatlong judge na ang nag-iinhibit sa kasong ito.