DELIKADO ang may 90 porsiyento ng mga pulis kapag nakasagupa ang mga pusakal na kriminal. Paano’y hindi sila sanay bumaril. Iilan sa kanila ang tinatawag na marksmen at wala pang matatawag na sharpshooter. Ano ang mangyayari sa mga pulis na hindi marunong bumaril o umasinta? Baka ratratin sila nang todo ng mga halang ang kaluluwa. At kung hindi marunong umasinta ang mga pulis, nasa panganib ang mamamayan sakali at magkaroon ng enkuwentro. Baka sa kahinaang umasinta ay ang mamamayan ang tamaan ng ligaw na bala. Sa halip na sa katawan ng mga halang ang kaluluwang kriminal tumimo ang bala ay sa mga kawawang sibilyan.
Ang kahinaan at kawalang kaalaman sa tamang pagbaril ng 90 porsiyentong pulis ay labis na ikinababahala ng National Police Commission (Napolcom). Ayon kay Napolcom commissioner Luis Mario General nakaaalarma ang katotohanan maraming bumagsak na mga pulis sa dinaos na 1st Commissioners Cup Game of the Generals shooting competition na ginanap sa firing range ng Camp Crame. Nakababahala umano ang pagbagsak ng mga pulis sa pagbaril sapagkat maaaring malagay ang kanilang buhay sa balag ng alanganin kapag tinutugis na nila ang mga kriminal o masasamang-loob. Maaaring sa kawalan ng kakayahang bumaril nang sapol, ay sila ang maresbakan ng mga masasamang-loob. Delikadong makaenkuwentro sila ng mga kriminal na ngayon ay wala nang kinikilala at patay kung patay na ang labanan.
Noong nakaraang taon, napalaban ang mga miyembro ng highway patrol group sa mga masasamang loob sa Parañaque. Bagamat maraming napatay ang mga pulis sa masasamang-loob, nakalulungkot namang isipin na apat na sibilyan ang nadamay sa pakikipagbarilan. Kabilang sa mga tinamaan at napatay ng mga pulis ay ang mag-ama na naipit sa labanan. Nakasakay sa isang SUV ang mag-ama nang eksaktong magkaputukan ang mga pulis at mga suspek. Kahit na lumabas na umano sa kanilang sasak yan ang mag-ama ay patuloy pa rin silang binabaril.
Maaaring ang kawalang kasanayan ng mga pulis sa pagbaril ang naging dahilan kung bakit pati ang ama at kanyang anak ay mabaril. Dahil hindi ganap ang pag-asinta ay nagbara-bara na ang pagbaril. Bahala na kung ano ang mangyari. Bahala na kung mayroong mapatay na sibilyan.
Unahin ng PNP na maisalalim ang mga pulis sa tama at husay sa pagbaril. Kailangan ito para ma-lupig ang mga kriminal.