^

PSN Opinyon

'Itigil muna ang patayan'

- Tony Calvento -

 Huling bahagi

NUNG LUNES TINAPOS KO ang seryeng ito sa parteng pana­nambang na ginawa kina Gliceria “Ising” Fajardo, 63 taong gu­lang at nakatira sa Brgy. Simlong, Batangas City kung saan ang kanyang asawa na si Dante.

Ang asawa ni Ising na si Dante ay pinagbintangan umano na pumatay sa matindi niyang kalaban sa pulitika na si Numeriano Cumia nung Setyembre 4, 1997.

Niratrat si Dante ng isang lalaki ng barilin ito ng tatlong beses sa ulo gamit ang isang ‘armalite’ habang minamaneho ang kanilang owner-type jeep.

Hindi raw makapaniwala si Ising sa nakita niya dahil kilala niya ang mga tao na nagmamasid sa kanila. Ito raw ay sina Aurelio Arce (kapatid ni Jun na kumpare umano ni Rufo Caraeg), Ludigaria Arce (asawa ni Aurelio) at isa pa na hindi niya kilala.

Nung nakaalis na ang grupo ng mga suspek bumaba ng sasakyan si Lourdes at pinara ang unang trak na dumaan para makahiram ng ‘cellphone’.

Tinawagan ni Lourdes si Filipina upang iparating ang masamang balita. Makalipas raw ang ilang minuto dumating ito kasama si Jun, Avelina Fajardo-Catipan (kapatid ni Dante) at Norman Fajardo (anak ni Dante at Ising) sakay ng ‘Lite Ace’ van.

“Kinwento ko kay Filipina ang aking nasaksihan. Sinabi ko sa kanya na nakita ko sina Aurelio at asawa nito matapos mangyari ang pagbaril kay Dante. Nabanggit niya na nakasa­lubong nga nila ang mga ito habang papunta sila dun pero hindi raw sila pinansin,” kwento ni Ising.

Marso 10, 2002 inilibing ang bangkay ni Dante sa Eternal Gardens sa Batangas City.

Pagkatapos ang pagluluksa ng pamilya nagkaroon ng imbestigasyon sa pagpatay kay Dante. Sina Ising, Lourdes, Filipina, Avelina at Norman ang mga naging ‘witness’ sa krimeng ito.

Nabanggit ni Ising sa mga imbestigador na nakita niya si Aurelio sa lugar na pinangyarihan ng krimen pero itinanggi naman ito ni Aurelio. Sa halip sinabi niya na si Ludigaria at ang manugang niyang si Jelly Caliuag ang may dala ng owner nila nung araw na yun.

Hindi nagtagal ay nalabasan ng ‘Warrant of Arrest’ si Aurelio.

Nung naimbitahan raw si Ising sa Batangas Provincial Station ay nagulat siya sa kanyang nakita.

“Nakita ko sa mga ‘wanted list’ ang litrato ng mga bumaril sa asawa ko. Hindi ako pwedeng magkamali dahil natatandaan ko ang kanyang mukha. Nakilala ko sila bilang sina Benito Simbahan, Manolo Simbahan, Lazaro Malabanan at Rosie Malabanan,” sabi ni Ising.

Matapos makita ang mga litrato ng mga taong pumatay sa asawa nagbalik raw sa alaala ni Ising ang mga nangyari nung araw na yun. Tatlong tao raw ang nakasakay sa owner type jeep habang lima naman ang nasa kotse.

Isang babae at dalawang lalake raw ang nakapwesto sa likuran ng kotse habang dalawang lalaki naman ang nasa harapan. Isa umano dito si Benito ang ‘gun man’ na pumatay kay Dante.

Abril 2002 ang pamilya Fajardo naman ang nagsampa ng kasong Murder sa Regional Trial Court Branch 84 ng Batangas City laban sa mga pangalan na nabanggit ni Ising at tatlo pang mga ‘John Does’.

Unang naaresto si Aurelio sa bahay nila sa Batangas City habang na-isyuhan rin ng warrant si Benito at ito naman ay nahuli sa Dasmariñas, Cavite.

Enero 6, 2005 bandang alas dos ng hapon sumiklab na naman ang madugong pangyayari sa serye na tila walang tigil na patayan.

Habang papunta ng Bulwagan ng Katarungan ng Batangas City si Benito sakay ng BJMP (Bureau of Jail Management and Phenology) van ay inambush rin ito.

Nadamay ang kasama nitong gwardiya at namatay sa dami ng tama ng bala. Malubha namang nasugatan ang asawa niya dahil sa tama ng bala.

“Naglabas ng order si Judge Paterno Tac-an na ilipat sa Maynila ang kaso namin dahil sa grabe ang mga pangyayari,” ayon kay Ising.

Mula sa RTC ng Batangas ay nailipat ang kaso sa RTC ng Manila.

Humingi raw sila ng tulong sa CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) ang pamilya Fajardo para mahuli ang iba pang mga akusado.

Simula nung mangyari ang pagpatay kay Benito ay mas lalo raw silang natakot sa kung ano ang pwedeng mangyari sa kanila kaya humingi sila sa Department of Justice para mapasailalim ng pangangalaga ng Witness Protection Program.

Setyembre 28, 2006 inatake sa puso si Aurelio na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Nabalitaan rin umano ni Ising na namatay rin si Lazaro dahil lumaban raw ito sa mga pulis nung hinuli siya dahil sa iba nitong kaso.

“Mas lalo kaming natatakot ngayon dahil yung tumutulong sa amin na pulis na si Superintendent Manuel Kabalo, ang Chief of Police ng Batangas City ay inambush rin nung Oktubre 2008. Unti-unti na nila kami pinapatay. Gusto yata kaming ubusing lahat, pahayag ni Ising.

Ayon kay Ising hindi raw sila makabalik ng Batangas dahil sa takot na baka sila ang sumunod na patayin.

Kinausap nila si DOJ Secretary Raul Gonzalez sa aming radio program na “Hustisya Para Sa Lahat” upang iparating ang problema ni Ising at ng kanyang anak at ang patuloy na proteksyon para sa kanilang buhay.

Nung muli namin nakausap si Ising ibinalita niya sa amin na pinatay naman ang pinsan niyang si William Ebora nung Abril 19, 2009. Binaril raw ito habang nagpapahangin sa labas ng kanilang bahay at nagtamo ng iba’t ibang tama ng bala sa buong katawan. 

PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tinata­wagan namin ang mga taong nakaladkad sa kwentong ito na ibigay ang kanilang panig para naman marinig kayo!

MINSAN PA AKONG nanawagan na kung sinuman ang nasa likod ng walang tigil na patayan na ito ITIGIL NA MUNA ANG PATAYAN.

Idaan sa isang legal na proseso kung saan sa ating hukuman maila­ labas ang lahat ng inyong mga akusasyon. Pairalin natin ang batas.

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.  

Email address: [email protected]


AURELIO

BATANGAS

BATANGAS CITY

BENITO

DANTE

ISING

NUNG

RAW

  • Latest
  • Trending
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with