KUNG pagkain ang pag-uusapan, wala nang tatalo pa sa panlasa ng mga Pinoy. Walang pili ika nga, mapalutong-bahay man, lako at street foods hindi natin pinalalagpas.
Ganunpaman, nais magbigay ng babala ng BITAG sa mga pagkaing pumapasok sa ating bibig, hindi nga tayo maselan, baka nalalagay naman sa panganib ang ating kalusugan.
Dahil sa parang mga kabuteng nagsulputan ang mga street foods saan mang lugar sa bansa, isang imbestigasyon ang isinagawa ng BITAG.
Sinuyod namin ang mga lugar kung saan matatagpuan ang paborito ng mga Pinoy na street foods.
Sa pag-iikot ng aming grupo, napansin ng BITAG na talagang patok na patok ang mga pagkaing kwek-kwek, fishballs, kikiam at calamares.
Pinagkakaguluhan naman kahit saan ang mga ihaw-ihaw ng mga parte ng manok, isda at baboy.
Hindi alintana ng ating mga kababayan ang lugar na pinagtitindahan o puwesto ng mga nasabing street food.
Wa epek din kung iba-iba at salu-salo ang mga nagsasawsaw sa sawsawan. Ang mahalaga, malamnan ang mga kumukulong tiyan.
Subalit mag-ingat, ang mga pagkaing mula sa maruming kapaligiran at hindi malinis ang paghahanda, posibleng magdulot ng iba’t-ibang sakit sa tao.
Hindi gawain ng BITAG ang manakot, nagbibigay babala lamang kami dahil sa panahon ng krisis ngayon, hindi na importante kay Juan dela Cruz kung ano ang kanyang kinakain.
Ang mahalaga, masarap at mura, lamang tiyan na! Hindi rin kami naninira ng negosyo dahil hindi naman sinasabi ng BITAG na ang mga pagkaing naunang nabanggit sa espasyong ito ang mga pagkaing nagbibigay ng sakit.
Ang layunin ng BITAG, imulat ang mata ng sinuman upang makita ang katotohanan na hindi dahil sa kahirapan, hindi na dapat intindihin ang kalusugan.
Maingay pa naman sa mga panahong ito ang usapin sa swine flu. Mabuti na ang nag-iingat at umiiwas.
Ang tanong ng BITAG, mahilig ka ba sa pagkaing kalye o street foods? Buweno, antabayanan ngayon darating na Sabado, alas-9 ng gabi sa BITAG at ng iyong malaman kung ano ang dulot ng mga pagkaing paborito mong kainin!